CORDON, Isabela — Umaabot sa apat na milyong pisong halaga ng ilegal na troso ang nasabat sa isang checkpoint ng 2nd IPMFC, sa Brgy. Caquilingan, Cordon, Isabela.
Sa ipinarating na ulat kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, napansin umano ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos ng isang lalaki na nag-alok ng ₱20,000 sa duty officer kapalit ng hindi malinaw na pabor na tinanggihan ng pulis.
Makalipas ang ilang minuto, dumating ang isang ten-wheeler truck kung saan nakita nilang ang parehong lalaki ay sakay nito.
Iginiit ng driver at helper na sako ng mais lamang ang laman ng truck, ngunit nang suriin, nadiskubre ang nakatagong humigit-kumulang 8,000 board feet ng kahoy na Narra na tinatayang nagkakahalaga ng ₱4 milyon.
Natagpuan din ang rice hull, sako ng mais, at mga boteng may powder residue na ginamit umano sa pagtatago ng kargamento.
Hindi nakapagpakita ng legal na dokumento ang mga sakay kaya agad na inaresto sina alias “Paul,” 45, at alias “Omar,” 43, kapwa mula sa Echague, Isabela.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa PD 705 at bribery laban sa kanila. REY VELASCO