MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Justice na kailangang pormal na isumite ang ebidensya ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co matapos ang kanyang pasabog bago isailalim sa pagsusuri at beripikasyon.
Tinutukoy ng DOJ ang ilang bahagi o serye ng mga video na inilabas ng dating mambabatas sa kanyang Facebook account kung saan tahasan niyang inakusahan sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez na tumanggap umano ng bilyong pisong kickback mula sa P100 billion budget insertions ngayong 2025.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang mga ebidensiya gaya ng mga litrato o video ay kailangang maging parte ng mga proceedings na dapat pormal na ihain bago sumailalim sa authentication at verification.
Una na ring sinabi ni Martinez na handa ang pamahalaan na ilagay sa Witness Protection Program si Co sakaling humiling ito.
Pero kinakailangang personal siyang makipag-ugnayan para sa aplikasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden