MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) na may walong “missing” na farm-to-market road projects sa Davao Occidental na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P100 milyon, na pondo mula 2021 hanggang 2023 ngunit hindi natapos, ayon sa paunang ulat ng audit.
Ayon kay DA spokesperson Arnel de Mesa, apat sa mga proyekto ay iniulat na natapos, ngunit ayon sa audit noong Setyembre 2025, wala pa ring nagawang progreso. Napansin ang ilang aktibidad sa konstruksiyon na sinabing pagtatangkang makahabol.
“Since lapsed na ‘yung budget, dapat wala na, pero mayroong gumalaw… Ang tanong diyan, kaninong pondo ‘yung ginamit? May construction. Hinahabol,” ani De Mesa.
Apat pang proyekto ang walang nagawang progreso sa isinagawang FMR audit noong Oktubre 2025. Ang ulat ay ipinasa sa Office of the President at isusumite rin sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Binigyang-diin ni De Mesa na bagama’t pondo ng DA ang mga proyekto, ang implementasyon ay nasa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya sila ang may pananagutan. “Ang role ng DA sa FMR…walang role ang DA sa implementation, but supposed to be, we should monitor these projects… So in terms of liability, walang liability si DA kasi wala siyang… hindi siya part dun sa kailangang pumirma para ma-release ang payment,” paliwanag niya.
Noong nakaraan, binanggit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang P75 milyon na “ghost” farm-to-market roads sa Mindanao, ngunit sinabi niyang isolated cases lamang ang mga ito. Santi Celario