KUNG iisipin, nakapanlulumo talaga ang nalantad na malawakang korapsyon sa pamahalaan na kung hindi pa siguro isiniwalat ni Pangulong Bongbong Marcos ay magtutuloy-tuloy ang pagnanakaw ng mga opisyal ng gobyerno sa kaban ng bayan.
Dati na kasing nalantad ang nangyayaring katiwalian sa hanay ng mga mambabatas sa pamamagitan ng kanilang pork barrel pero pinalagpas na lang ng mga namumuno sa pamahalaan dahil siguro bukod sa nakikinabang din sila, natatakot silang mawalan ng suporta dahil may kanya-kanyang balwarte ang mga kongresista.
Batid na rin ito noon pa man ng mga ordinaryong mamamayan pero kahit anong talak at sigaw nila sa lansangan, wala ring nangyayari dahil nagte-tengang kawali nga noon ang mga namumuno at walang maglakas ng loob ng magsiyasat hinggil dito.
Pero sabi nga ni Senator Ping Lacson, tadhana na rin ang kumilos nang dumanas ng matinding sakuna ang ating bansa sa malawakang pagbaha at pagkamatay ng libo-libo katao para gisingin ang gobyerno sa talamak na nakawang nangyayari sa pera ng bayan.
Kung ikaw ay isang ordinaryong mamamayan na may trabaho at nagbabayad ng tamang buwis, mapaiisip ka siguro na sayang ang perang pinaghirapan mo na ibinayad sa buwis dahil napunta lang sa bulsa ng mga kawatan sa pamahalaan.
Kasi naman, dito sa ating bansa, bawat kembot mo, bayad ka ng buwis. Tuwing araw ng sahod sa pinagpawisan mong pagtatrabaho, bayad ka ng income tax. At dahil bagong sahod ka, pupunta ka sa grocery o palengke para bumili ng bigas, kape, sardinas at iba pa, o kahit kumain ka sa restaurant, bayad ka ng value added tax. Kung malaki ang sahod mo at nakaipon ka ng pambili kahit hulugang bahay at lupa, bayad ka ng documentary stamp tax at real property tax at taon-taon, bayad ka ng amilyar.
May natira pa sa ipon mo kaya bumili ka ng sasakyan, may excise tax, motor vehicle user’s charge, at annual registration fee, maliban pa sa insurance. Pati ikakarga mong gasolina, me tax pa rin.
Kung halimbawang nagpasiya kang umalis na lang ng bansa, pagsakay mo sa eroplano, may travel tax. At dahil lalayas ka na ng Pinas, ibebenta mo na lang ang bahay at lupa mo pero bayad ka ulit ng capital gains tax at documentary tax. Kahit nga ipasiya mo na lang i-donate sa iyong kaanak ang iiwan mong lupa sa Pinas, bayad ka rin ng donor’s tax, maliban pa ang ibang bayarin sa titulo at transfer tax.
Nagmagandang loob ka na nga, sisingilin ka pa rin ng gobyerno. Eh kahit nga nakamatayan mo na ang pamana mong lupa, may estate tax ka pa ring babayaran. Sa dami ng mga sinisingil na buwis ng gobyerno kay Juan dela Cruz, papaano ka naman hindi manlulumo kung mababalitaan mo na trilyong piso sa nakolektang buwis ng pamahalaan, kasama ka na roon, ay napunta lang sa bulsa ng iilan. Sana, kung hindi man sapat ang parusa ninyo dito sa lupa, sa kabilang buhay kayo singilin ni Satanas.






