MANILA, Philippines – Walang kinalaman sa kahilingan na asylum ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa The Hague, Netherlands sa pagkansela sa kanyang pasaporte, sinabi ng Department of Justice.
Sinabi ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, hindi mahalaga kung may pasaporte o wala si Roque sa pagdedesisyon ng asylum.
Aniya, ang tanging batayan ay kung tunay siyang nakararanas ng persecution sa Pilipinas.
Giit ng DOJ, malinaw na nakikita ngayon ay pag-iwas ni Roque sa legal na proseso dahil wala umanong ebidensya ng persecution sa kanyang kaso.
“The asylum application of Mr. Roque will generally fall on whether or not he is being persecuted so the absence or presence of a passport is irrelevant in the determination of whether his asylum application will be granted or not from what we can gather right now there is no persecution but he is evading prosecution,” sabi ni Chief State Counsel Chan.
Tungkol sa estado ng asylum request ni Roque, aminado ang DOJ na wala silang malinaw na impormasyon kung naibasura o nailipat sa ibang bansa.
Bagamat itinuturing na siyang nagtatago sa batas, pending pa rin ang aplikasyon para sa red notice.
Umaasa rin ang DOJ na maiharap si Roque sa hukuman bago matapos ang taon o sa lalong madaling panahon. Jocelyn Tabangcura-Domenden