MANILA, Philippines — Naaresto si Engr. Montrexis Tamayo, officer-in-charge ng DPWH-Mimaropa Planning and Design Division, bilang ika-siyam sa 16 na indibidwal na konektado sa anomalya sa P289.5-milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Dinala si Tamayo sa kustodiya sa NAIA noong Martes nang dumating mula sa United Arab Emirates at nagpakita para sa processing sa Sandiganbayan nitong Miyerkules ng umaga.
Walo sa kanyang mga kasamang akusado, kabilang ang mga DPWH officials na sina Gerald Pacanan, Dennis Abagon, Gene Alurin, Ruben Santos, Dominic Serrano, Felisardo Casino, Lerma Cayco, at Juliet Calvo, ay nagpakita sa anti-graft court noong Lunes.
Ang mga lalaking opisyal ay ikinulong sa Payatas, habang ang mga babaeng akusado ay dinala sa Camp Karingal; nakapag-post si Calvo ng P90,000 bail.
Nakaskedyul ang kanilang arraignment sa Disyembre 2, alas-1:30 ng hapon.
Patuloy na hinahanap ng awtoridad ang pitong iba pang indibidwal, kabilang si dating kongresista Zaldy Co, na may outstanding warrants kaugnay ng proyekto. RNT