TOKYO – Nasawi ang isang Filipina overseas worker na kinilalang si Gladys Grace Rotaquio Testado, 28 anyos, matapos masagasaan ng isang nakaw na sasakyan sa Adachi Ward, Tokyo, bandang alas-12:30 ng tanghali noong Lunes, ayon sa pulisya.
Siya ang unang biktima, at sumunod na sumagasa ang sasakyan sa apat pang tao sa bangketa, na nagdulot ng karambola kasama ang isang trak.
Namatay din si Kenji Sugimoto, 81 anyos, at nasugatan ang siyam pang tao mula 10 hanggang 70 anyos.
Ayon sa mga saksi at video footage, hindi bumagal ang sasakyan bago matamaan si Testado at walang bakas ng preno sa lugar.
Naaresto ang 37 anyos na lalaki sa hinalang pagnanakaw ng sasakyan; susuriin ng mga awtoridad ang kanyang pananagutan at maaaring kasuhan sa hit-and-run at delikadong pagmamaneho na nagdulot ng kamatayan o pinsala. RNT