Home NATIONWIDE Higit 15K parak ipakakalat sa Trillion Peso March

Higit 15K parak ipakakalat sa Trillion Peso March

305
0
(c) Crismon Heramis

MANILA, Philippines – Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 15,097 pulis para sa seguridad ng “Trillion Peso March” anti-corruption rallies sa Nob. 30, ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño nitong Miyerkules.

Magde-deploy ang NCRPO ng 8,805 pulis habang 6,292 pa ang magmumula sa Special Action Force at iba’t ibang regional police offices.

Babantayan ng pulisya ang mga pangunahing lugar ng protesta tulad ng People Power Monument, EDSA Shrine, Mendiola, Ayala Bridge, J.P. Laurel Street, Recto Avenue at ilan pang lugar sa paligid ng Malacañang.

May deployment din sa Senado, Kamara at sa tanggapan ng Independent Commission for Infrastructure.

“Kung mapapansin niyo yung deployment natin ay napakarami, aabot ng 15,000 plus… Alam naman natin na meron mga freedom parks… Ito yung mga hindi na nangangailangan ng permit na kinakailangan automatic sa deployment namin,” ani Tuaño.

Naka-secure na ng permit ang mga organizer para gamitin ang White Plains Avenue mula 6 a.m. hanggang 6 p.m., kasama ang isang memorandum of understanding na nagsisiguro na walang “seditious” statements sa programa.

Matapos ang karahasang naganap noong unang Trillion Peso March noong Set. 21, nakaantabay ang mga specialized unit gaya ng negotiation teams, medical teams, arresting officers, at legal at investigation groups.

“This time, mas marami yung mga arresting officers natin,” ayon kay Tuaño.

Naka-heightened alert ang Metro Manila police at magfu-full alert pagsapit ng Nob. 28. Sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin na maaaring i-adjust ang deployment batay sa real-time na crowd assessment.

“Police presence is not meant to suppress the rally but to protect the safety of participants, commuters, and bystanders,” aniya pa.

Nagsasagawa rin ng koordinasyon ang PNP sa mga lokal at pambansang ahensya, nagpalakas ng real-time CCTV monitoring at nag-intensify ng social media tracking.

Paalala ng PNP, ipinagbabawal pa rin ang mga gawaing may kinalaman sa rebelyon, insureksiyon, sedisyon o pag-uudyok ng kaguluhan sa ilalim ng Batas Pambansa 880 at Revised Penal Code. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here