MANILA, Philippines — Aapela ang kampo ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo matapos hatulan ng korte ng qualified human trafficking, isang non-bailable offense na may kinalaman sa umano’y malakihang human trafficking operations na konektado sa isang POGO hub sa kanyang bayan.
Hinahatulan si Guo at ang pito pang kasamahan ng habambuhay na pagkakabilanggo, multang ₱2 milyon, at pagbabayad ng danyos sa mga biktima.
“We are just protecting her rights as an accused… So, definitely, we will appeal naman the decision.” Dagdag pa niya, malungkot man si Guo, “She will fight,” ayon sa kaniyang abogado na si Nicole Jamilla.
Inaasahan ngayong linggo ang desisyon ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167 sa mosyon ng kampo ni Guo na payagan siyang manatili sa Pasig City Jail Female Dormitory sa halip na ilipat sa Correctional Institution for Women (CIW).
Giit ng depensa, mas ligtas si Guo kung mananatili muna sa kasalukuyang kulungan.
“’Yong safety niya and at the same time, her preparedness… Siya muna ‘yong priority namin ngayon,” ayon kay Jamilla.
Pansamantala munang pinayagan ng korte na manatili si Guo sa Pasig City Jail habang hinihintay ang resolusyon.
Naaresto siya sa Indonesia noong 2024 matapos tumakas mula sa Pilipinas.
Noong Hunyo, nagpasya ang Manila RTC Branch 34 na iisang tao sina Chinese national Guo Hua Ping at Alice Leal Guo, dahilan para ideklarang walang bisa ang kaniyang pagiging alkalde at buong termino. Dave Baluyot