Manila, Philippines – Nagsagawa ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), sa pangunguna ni Chairperson at CEO Lala Sotto, ng “Responsableng Panonood” seminar sa Brgy. Pantal, Dagupan City, Pangasinan kamakailan.
Idinaos ang seminar sa Pantal Elementary School at dinaluhan ng mga magulang, guro at mga lider ng komunidad.
Kasama ni Sotto sina MTRCB Board Members Maria Carmen Musngi, retiradong guro; Eloisa Matias, professional event organizer at musical content producer; Neal Del Rosario, TV direktor; at, film director Joey Romero IV.
Mainit silang tinanggap nina Dagupan City Vice Mayor Dean Bryan Kua, Konsehal Danee Canto at mga opisyal ng Barangay Pantal.
Sa pakikipagtulungan sa Junior Chamber International (JCI) Dagupan Bangus, binigyang-diin ng MTRCB ang kahalagahan ng maingat at responsableng paggamit ng media sa pamamagitan ng Responsableng Panonood (RP) program.
“Ang goal po namin ay tulungan at turuan kayo na maging mapanuri sa pagpili ng mga palabas para sa inyong pamilya, lalo na para sa mga bata,” ani Sotto.
“Parents and guardians play a crucial role in ensuring that media consumption remains beneficial and age-appropriate.”
Ipinaliwanag din niya ang kahalagahan ng pag-unawa sa wasto at praktikal na paggamit ng media at digital parental controls.
“Sa pag-intindi ng wastong gabay at pag-practice ng digital parental controls, mas mababantayan po natin ang panonood ng mga bata, mapa-TV man o sa social media,” dagdag ni Sotto.
Sa isang social media post, nagpasalamat si Dagupan City Mayor Belen Fernandez sa MTRCB sa pagdadala ng RP campaign sa lungsod.
“Napakahalaga ng adbokasiyang ito, lalo na’t napakabilis ng access ng mga kabataan sa media at online content. Ang ‘Responsableng Panonood’ ay tungkol sa proteksiyon ng mga bata, tamang paggabay ng mga magulang at pagpapatibay ng ligtas na viewing habits sa bawat tahanan,” ani Fernandez.
Dagdag pa niya, umaasa ang Dagupan City LGU sa mas malalim pa na pakikipag-ugnayan at kolaborasyon sa MTRCB sa hinaharap.
“Umaasa tayo sa mas malalaking programa at mas malawak na partnership kasama ang MTRCB sa mga susunod na buwan. Maraming salamat, MTRCB at Chair Lala Sotto! Sama-sama nating palakasin ang gabay at proteksyon para sa bawat pamilyang Dagupeño.”
Sa kanyang mensahe ng suporta, kinilala ni Dagupan City Vice Mayor Dean Bryan Kua ang mahalagang papel ng MTRCB sa pangangalaga sa kapakanan ng mga manonood.
“Dito pumapasok ang napakahalagang trabaho ng MTRCB. Kayo ang tagabantay para masigurong ang media na nakararating sa ating mga tahanan ay swak at tama, lalo na para sa lumalaking isip ng ating mga kabataan at lahat ng manonood. Ang inyong klasipikasyon at gabay ay nagbibigay ng kapanatagan ng loob sa mga magulang,” pahayag ni Kua.
Nagpasalamat si JCI Dagupan Bangus President at Brgy. Pantal Councilor Orlando Navarro Jr.
“Lubos po kaming nagpapasalamat sa MTRCB, lalo na kay Chair Lala Sotto, dahil dinala nila sa Brgy. Pantal ang ‘Responsableng Panonood.’ Malaking tulong ito sa mga magulang sa aming komunidad, lalo na sa mga solo parents,” aniya.
Tinalakay ni BM Romero ang mandato at kasaysayan ng MTRCB, habang ipinaliwanag naman ni BM Del Rosario ang television at movie rating at classification systems ng Board.
Itinuro ni BM Matias ang PROTECT, ang educational initiative ng MTRCB na nagtataguyod ng ligtas at maingat na paggamit ng media, at inilahad ni BM Musngi, Chair ng Responsableng Panonood Committee, ang mga layunin at pangmatagalang direksiyon ng RP campaign. JP Ignacio