Home OPINION FLOOD CONTROL, BIGAS, SIBUYAS, EDUKASYON

FLOOD CONTROL, BIGAS, SIBUYAS, EDUKASYON

264
0

KUNG totoo lahat ang mga ibinubunyag na anomalya sa pamahalaan, hindi ka lang kikilabutan at maiiyak.

Hihimatayin ka sa nerbiyos o baka maospital o matodas ka pa sa stroke o atake sa puso.

Hindi ang Ultimatum ang nagkukuwento ng lahat kundi ang mga datos na nakakalap mismo ng media, ng Senate Blue Ribbon Committee, Independent Commission for Infrastracture at mismong mga nakokorner na mga testigo.

MULA KAMARA AT SENADO HANGGANG PALASYO

Kung bakit ka tiyak na nenerbiyosin, mai-stroke o maaatake sa puso ukol sa mga anomalya ay dahil makikita itong nagaganap mismo sa Kamara, Senado at Palasyo.

Mula sa mga kongresman sa ilalim ng isang dating ex-Speaker, senador sa ilalim naman ng isang dating Senate President hanggang sa mag-asawang pinuno ng bansa at kanilang mga secretary at iba pa.

HINDI LANG P100B KUNDI P150B AT HIGIT PA

Ayon kay dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co, nagkaroon ng pagsisingit o budget insertion mismo ang Pangulo ng bansa nitong 2025 budget at nagkaroon ito ng 25 porsyentong kikbak na pinaghatian nila ng ex-Speaker.

Anak naman ng Pangulo ang pinagbintangan din ni Co na nagkaroon ng nasa P51B insertion mula 2023 hanggang 2025 ngunit hindi malinaw kung may kikbak at magkano kung meron man.

Ang asawa ng Pangulo ang pinagbintangan pa rin ni Co na nagkaroon ng malaking impluwensya sa anomalya sa importasyon ng bigas at sibuyas ngunit hindi naging malinaw kung magkano ang kikbak rito at idinamay ni Co ang isang kapatid ni misis na isa sa mga nasa likod ng nasabing anomalya.

22-60 CLASSROOM SA 2025

Sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee, sa mahigit isang taong naging Department of Education Secretary si ex-Senador Sonny Angara, nakapagtatakang nakapagtayo lang ang DepEd ng 22 classrooms sa isang taon ngunit nitong huli, umabot naman sa mahigit 60.

Ito’y sa kabila ng ₱23.838B para sa school building sa ilalim ng Basic Education Facilities Fund at ₱2.985B para sa Last Mile Program.

Sa laki ng mga nakalaang badyet para sa pagtatayo ng mga classroom, nakapagtatakang 22-64 lang ang naitayo sa halagang 2 milyon bawat classroom.

Pinagbibintangan naman ng mga kritiko ang pamunuan ng DepEd na nagkakaroon ng 12% kikbak sa mga proyekto, ayon sa media, partikular ang Bilyonaryo News Channel.

DESTABILISASYON, KASINUNGALINGAN, DEMOLISYON

Sa panig ng mga pinagbibintangan, sinasabi nilang pawang mga walang katotohanan o kaya’y kasinungalingan ang mga paratang nina Co, mga oposisyon o kritiko sa Senado at media.

Sa panig ng Pangulo, asawa nito at anak na kongresman, bukod sa kawalan ng katotohanan, pawang pang-destabilisasyon at paninira lamang sa kasalukuyang administrasyon at sa kanila ang ginagawa ni Co.

Ang ex-Speaker, buo rin nitong pinasisinungalingan ang mga paratang ni Co.

At sa halip, si Co ang umano ang magnanakaw o may kikbak gaya ng mga testimonya ng mga nakasuhan nang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways.

Ayon naman kay Angara, pawang demolisyon job o paninira lang ang mga paratang sa kanya at handa nitong harapin ang mga ito.

Kayo na, mga Bro, ang umunawa, humusga at magpasya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here