MAY mga inaaresto nang mga kawani ng Department of Public Works and Highways.
Anomang araw, madadakip din ang mga sadyang nagtago.
Pero lumilitaw na ang mga buwaya at pating na isinasangkot, sa mga dahilan upang mademanda at maaresto ang mga tinawag ni Senator Dante Marcoleta na butete at sapsap, ay hindi pa dinedemanda at inaaresto habang tinitipa natin ito.
Pawang mga alingasngas pa lang ang mga demanda at pagdakip sa mga buwaya at pating.
Sinasabing aabot sa 2,000 ang posibleng makasuhan at maaresto dahil sa rami ng mga proyektong ghost project, wala sa hulog at may doble o tripleng pagpopondo.
Kung mangilan-ngilan lang ang sinasabing mga buwaya at pating, laksa-laksang butete at sapsap lang ang mapasasama ang kalagayan.
Bakit nagkaganito?
Dapat ding linawin, mga Brad, na ang mga buwaya at pating ay hindi lang matatagpuan sa Kamara at Senado kundi maging sa Palasyo.
Nasaan ang mga ito, kayo riyan sa Independent Commission for Infrastracture, Office of the Ombudsman at Department of Justice?
Ang dami nang lumalabas na mga pahayag o rebelasyon sa katiwalian ng mga buwaya at pating ngunit paisa-isa lang ang pinupuntirya.
Kasama na rito ang nanggagaling kay ex-Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co, lsa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbong committee at iba pa.
Ngunit nanatiling walang marinig sa nasabing mga ahensya ng pamahalaan kung hanggang saan ang kanilang mga pagkilos.
Sadya bang may mga pinagtatakpan o tinitigan at iba ang tinitingnan?
O kulang ba ang tauhan, pondo at gamit ng mga ito?
Kung walang gaanong madedemanda at maaresto na mga puno’t dulo ng korapsyon mula sa Kamara at Senado hanggang sa Palasyo, babagsak tiyak ang kredibilidad hindi lang ang mga nag-iimbestiga at nagdedemandang ahensya kundi mismo ang gobyerno.
Kung mangyayari, saan tayo pupunta bilang bansa?






