Bulacan – Arestado ang 25-anyos na lalaking umanoy drug den operator at tatlong kasabwat sa isang buy-bust operation sa San Jose Del Monte (SJDM) nitong hapon ng Nobyembre 27.
Kinilala ng PDEA Bulacan Provincial Office ang operator na si alyas “Lupin,” residente ng Brgy. Muzon South, habang ang tatlong kasabwat ay sina alyas “Dave,” 26, “Jon,” 26, at “CK,” 24.
Magkatuwang ang PDEA Bulacan at Provincial Intelligence Team Bulacan East Regional Intelligence Unit 3 sa ikinasang operasyon bandang 4:12 ng hapon sa nasabing drug den. Narekober sa lugar ang limang sachets na naglalaman ng 10 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000, mga drug paraphernalia, at marked money.
Samantala, huli rin ang limang indibiduwal sa isang pot session sa Brgy. Bayugo noong Nobyembre 26 matapos isuplong ng concerned citizen sa Meycauayan Police Station. Nahuli sa lugar ang isang pirasong heat-sealed plastic sachet na may 0.5 gramo ng hinihinalang shabu (halaga P3,400), cut-opened plastic sachet na may shabu residue, dalawang aluminum foil strips na may residue, dalawang improvised aluminum foil pipes na may residue, at dalawang disposable lighters.
Nahaharap ang lahat ng suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa mga himpilan na humuli sa kanila. Dick Mirasol III