Home OPINION IROK FESTIVAL SA INDANG 2025: BAGONG SIGLA NG BAYAN

IROK FESTIVAL SA INDANG 2025: BAGONG SIGLA NG BAYAN

369
0

HINDI na bago sa pitak na ito ang pangalan ni Mayor Virgilio “Vergel Action Man” Fidel. Noon pa man, bilang Kapitan at ABC President ng Indang, Cavite, paulit-ulit nating tinalakay ang kanyang walang kapagurang serbisyo at mabilis na pag-aksyon sa pangangailangan ng mga tao. Ngunit ngayong siya na ang Ama ng Bayan, mas luminaw kung bakit tinaguriang Action Man si Fidel—dahil sa gawa, hindi sa salita, nakikita ang tunay na pamumuno.

Kung babalikan ang kanyang track record, malinaw ang diretsong tugon sa problema ng komunidad: pagpapatayo ng libreng dialysis center, labing-dalawang beses na pamamahagi ng food aid sa gitna ng pandemya, pagbibigay ng anim na ektaryang lupa para sa pabahay, at pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad sa Northern Luzon at Bicol Region. Hindi ito maliliit na proyekto; mga serbisyong direktang nagligtas, nagpakalma, at nagbigay-pag-asa sa mga taga-Indang at sa iba pang lugar.

Hindi rin nakapagtataka na noong Mayo 2022, iniluklok siya ng mayoryang bilang ng botante. At sa kanyang unang 100 araw pa lamang, ramdam na ramdam na agad ang pagbabago. Pinahusay ang serbisyo ng munisipyo—mula sa pag-uutos na maging magalang, bukas, at nakangiti ang bawat empleyado, hanggang sa digitalization ng mga transaksyon katuwang ang PLDT. Pinasigla rin ang serbisyong legal, inayos ang RHU, nagdagdag ng medical equipment, at ginawang 24/7 ang operasyon nito.

Napawi rin ang pahirap na butaw sa mga tricycle driver. Nadagdagan ang assistance para sa solo parents, senior citizens, at PWDs. Kinilala ang kabataang nag-uwi ng karangalan sa isports at akademya. Tinanggal ang mayor’s permit fee para sa small businesses na may starting capital na ₱50,000 pababa. Pinasara ang mga negosyong hindi nagbabayad ng buwis. Inayos ang covered court, public toilets, at lalo pang pinalakas ang suporta sa mga magsasaka at produktong lokal.

At ngayon, sa pagdiriwang ng Bagong Indang—isang bayan na may bagong sigla, bagong direksyon, at bagong pamumuno—muli na namang magbibigay-kulay ang Irok Festival para sa Indang Day 2025.

Sunod-sunod ang aktibidad mula Nobyembre 28: Binibining Ikatlong Lahi, Kapuso Fiesta Caravan, Bonifacio Day Celebration, Opening Ceremony at Float Parade. Pagpasok ng Disyembre ay mas sumisigla pa—Musikabataan Concert, Lighting of Christmas Tree, Bazaar with Fireworks, Wish to Finish Fun Run, Zumba Party, Ballroom Night, Dance Sport Competition, at syempre, ang Mutya ng Indang Pageant.

Iba ang tibok ng Indang ngayon—mas masaya, mas buhay, mas bukas sa pagbabago. Sa liderato ni Mayor Vergel “Action Man” Fidel, hindi lamang proyekto ang dumadaloy, kundi pag-asa. At sa pag-usbong muli ng Irok Festival, muling pinagtitibay na sa Bagong Indang, ang pag-unlad ay hindi pangarap—kundi araw-araw na reyalidad.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here