Home OPINION ASF-FREE NA NGAYON MGA LECHON SA LA LOMA, QC

ASF-FREE NA NGAYON MGA LECHON SA LA LOMA, QC

278
0

MATAGAL nang kinikilala ang La Loma bilang “puso ng lechon sa Pilipinas,” isang lugar na hindi lamang pinagkukunan ng “star ng lahat ng handaan” kundi bahagi na rin ng ating kultura at kasaysayan. Kaya naman ang balitang ASF-free na ngayon ang 14 na lechon establishment sa La Loma ay hindi lamang simpleng magandang balita sa kalusugan ng mga baboy, ito ay tagumpay para sa buong Quezon City at sa sambayanang Filipino na patuloy na nagtitiwala sa ating lokal na industriya ng pagkain.

Matatandaan na noong No­vember 13, 2025, naglabas ng temporary closure order ang lokal na pamahalaan, isang desisyong maaaring masakit para sa ilang negosyante ngunit ki­na­kailangan para maiwasan ang mas malalang pagkalat ng African Swine Flu (ASF). Sa loob lamang ng isang Linggo, nagsagawa ng araw-araw na dis­infection ang mga establisim­yento, katuwang ang City Vete­rinary Department at QC Health Department, bilang pag­sunod sa memorandum ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Ang mabilis at sistemati­kong pagtugon na ito ay patu­nay na kapag magkasama ang pamahalaan at pribadong sektor, mas mabilis na nakakamit ang ligtas at malinis na produk­syon ng pagkain.

Bilang nagsusulong at ta­ga­pagtaguyod ng pampublikong kalusugan, natutuwa akong ma­kita na hindi lamang disinfection ang ipinag-utos, isinama rin ang mahigpit na pagpapatupad ng sanitary, safety, at health proto­cols. Ito ang uri ng preventive action na dapat ay matagal nang bahagi ng ating pang-araw-araw na operasyon, lalo na sa mga in­dustriyang direktang nakaa­apekto sa kalusugan ng publiko.

Sa ngayon, tatlo pa lamang sa 14 na establisimyento ang nabigyan ng lifting order, isang malinaw na indikasyong hindi basta-basta bumabalik sa ope­rasyon ang sinoman hangga’t hindi kumpleto ang pagsusuri at pagsunod sa regulasyon. At para sa akin, ito ay positibong tanda.

Nakapagbibigay ito ng kum­piyansa sa mamimili na ang lechon na kanilang binibili ay mu­la sa lugar na hindi lamang masarap, kundi ligtas at pinagdaanan ng tamang pagsusuri.
Gayunpaman, mahalagang hindi dito nagtatapos ang laban. Ang ASF ay sakit na madaling ku­malat at matagal bago tuluyang mawala sa isang lugar kung hindi maayos na minomonitor.

Kaya’t nararapat lamang na ipagpatuloy ng lokal na pamaha­laan ang pakikipagtulungan sa mga negosyante upang masi­gu­ro na lahat ay tuloy-tuloy na su­­musunod sa protocol hindi la­mang ngayon kung kailan ma­rami ang mamimili ng lechon, kundi sa bawat araw na sila’y nagnenegosyo.

Para sa mga establisimyen­tong naghihintay pa ng kani­lang lifting order, sana’y magsilbi itong pagkakataon upang lalo pang paigtingin ang kanilang pag­sunod sa wastong proseso. Tandaan natin: Ang kaligtasan ng publiko ay hindi dapat ipinagpapaliban. Ipagpatuloy rin nawa ng lokal na pamahalaan ang pag­bibigay ng tulong sa mga apek­tadong manggagawa na na­­walan ng kita lalo na yaong sa lechonan lamang umaasa.

Sa huli, ang pagiging ASF-free ng La Loma ay hindi lamang tagumpay ng pamahalaan, kundi tagumpay ng komunidad.

Hindi ba’t mas masarap ang lechon kapag alam nating ligtas at mas panatag ang puso kapag alam nating lahat ay nagkakaisa para sa kalusugan ng bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here