Home NATIONWIDE PBBM may mensahe ngayong Bonifacio Day

PBBM may mensahe ngayong Bonifacio Day

274
0

MANILA, Philippines – HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang sambayanang Filipino na gayahin ang isa mga dakilang bayani ng Pilipinas na si Gat. Andres Bonifacio na pinangalagaan ang dangal at pinanatiling puspos ng kadakilaan ang mga gawaing para sa ikabubuti ng lahat.

Sa mensahe ng Pangulo ngayong araw ng Linggo, Nobyembre 30, araw ng pagdiriwang ng ika-162 Anibersaryo ng Pagsilang ni Gat. Andres Bonifacio, sinabi nito na dapat lamang na buong-lugod na isapuso ng bawat isa ang tungkuling wala nang hihigit pa sa pag-ibig sa inang Bayan.

“Nawa ay magsilbing tanglaw sa ating paglalakbay ang mga aral na isinulong na may pag-asa sa patuloy na pagsisikap ng lahat tungo sa isang payapa, malaya at maunlad na Bagong Pilipinas,” ayon sa Pangulo.

Si Bonifacio ay isa sa mga dakilang bayani ng kasaysayan, nagpapa-alab sa nagkakaisang damdamin at nagmulat sa mga mata ng bawat filipino upang labanan ang pang-aapi sa mga Filipino.

Sa panahon aniya na puno ng hamon, binigyang-sigla ni Bonifacio ang sambayanan upang tumindig para sa kalayaan at tumutol sa kawalang katarungan na nagpapahirap sa lipunan.

Bagaman, higit isang siglo na aniya ang nakalipas, patuloy na nagbibigay inspirasyon sa bawat isa si Bonifacio, at pinagniningas rin ng alaala nito ang determinasyon ng bawat Filipino na pangalagaan ang kasiranlang na ipinaglaban niya noon at pinahahalagahan ngayon ng lahat.

Sa kabila aniya ng bigat ng naging pasanin sa buhay ni Bonifacio, pinagyaman niya ang kanyang kaisipan lalo na sa mga usapin ukol sa pagkakapantay-pantay na siya namang humubog sa kanya upang maging isang repormista.

Dahil sa lumalalang kalagayan ng bansa noon, itinatag ni Bonifacio, ang “Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan”, na nagsilbing gabay sa taumbayan tungo sa pagkamit ng ganap na soberanya.

Mula aniya sa payak na pinagmulan hanggang sa kanyang pagkahirang bilang Supremo, ipinamalas ni Bonifacio na ang tunay na kabayanihan ay nagmumula sa puso, sa tapang, sa dalisay na hangarin at sa wagas na pag-iisip para sa bayan. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here