MANILA, Philippines – Dahil sa pagdami ng mga biyahero papunta at pabalik ng probinsya, inutusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang lahat ng regional offices nito na maghanda at ipatupad ang mga contingency measures para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
Sinabi ni LTFRB Chairman Vigor D. Mendoza II na dapat mag-focus ang mga regional directors sa dalawang bagay: unang-una, ang road worthiness ng mga pampasaherong bus at kalusugan at kahandaan ng mga driver; pangalawa, ang maayos na pasilidad sa mga terminal at istasyon.
“Inaasahan naming mas maraming tao ang magbibiyahe ngayong December dahil sa Holiday season. Dapat ngayon pa lang ay simulan na natin ang mga paghahanda upang maging mabilis at komportable ang kanilang paglalakbay,” ani Mendoza.
Binigyan din niya ng paalala ang lahat ng bus companies at mga operator ng terminals at public transportation stations na ayusin ang kanilang serbisyo at pasilidad, kung hindi ay may kaakibat na parusa.
Ani Mendoza, may mga umiiral nang guidelines tungkol sa kaayusan, maintenance, at pangunahing pasilidad ng mga terminal at transport hubs. “Ang lahat ng ito ay para sa kaginhawaan at kaligtasan ng pasahero. Bilang kliyente at lifeline ninyo, dapat silang tratuhin ng maayos. Kung hindi, kayo ang mananagot,” dagdag niya.
Hinikayat din niya ang mga pasahero na agad i-report ang mga terminal o public transport stations na may mahinang pasilidad o serbisyo sa LTFRB Hotline 0956-761-0739 o sa kanilang social media accounts para sa agarang aksyon. RNT/MND