MANILA, Philippines – HINDI pagpapahirap sa mga mamamayang Filipino ang pagba-ban sa electric bicycles at e-trikes na bumiyahe sa mga pangunahing lansangan dahil kaligtasan ng mga ito ang nasa isip ng gobyerno.
“Hindi po pagpapahirap ang mga ganitong klase ng polisiya. Ito ay para sa kasiguruhan ng safety ng gumagamit ng e-bikes, safety sa mga kababayan natin at tandaan po natin motorized vehicle po ito at may batas din po tayo na dapat sinusunod. Hindi po ibig sabihin na kahirapan ay dapat na nating suwayin kung ano iyong batas,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Ang pagdisiplina po ay hindi para banggain ang issue ng kahirapan – hindi po issue ang kahirapan dito; issue ito ng pagtupad sa batas para po masiguro ang safety ng bawat isa,” aniya pa rin.
Nilinaw pa ni Castro na sa national highway lang naman ipinagbabawal ang mga e-bikes at e-trikes at hindi naman aniya sa mga secondary roads.
“Sana po maintindihan po kung bakit mayroong ganitong klaseng polisiya – ito po again ay para sa safety ng ating mga kababayan,” ang pahayag ni Castro.
Sa ulat, dapat ngayong araw ng Lunes, Disyembre 1 nagsimula ang pagiging epektibo ng pagba-ban sa electric bicycles e-bikes na bumiyahe sa mga pangunahing lansangan.
Sa budget deliberation ng panukalang 2026 budget ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Sen. JV Ejercito, isponsor ng pondo ng ahensiya, nangako si Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na sisimulan nila sa Disyembre 1 ang paghuli sa e-trikes na pumapasada sa major thoroughfares.
“According to LTO, they will now apprehend kasi po LGU [local government units] po ang nagbigay ho yata ng pahintulot pero as far as LTO is concern hindi po dapat payagan sa main thoroughfares,” sabi ni Ejercito.
Bago ito, kinuwestiyon ni Senador Raffy Tulfo ang LTO kaugnay ng pamamayagpag ng e-bike na aniya’y siya nang hari ng kalsada at hindi na ang mga pampasaherong dyip.
“Yung e-bike marami na po akong natatanggap na reklamo tungkol sa e-bike, sila na po ang hari ng kalsada, dati jeepney, ngayon e-bike na raw,” ani Tulfo.
“Ano pong programa meron ang ating LTO para maregulate po itong pagdami ng e-bike? Pero, lumalala po yung problema sa e-bike and itong mga nag-e-bike ofcourse nagsasakay sila mga pasahero, walang mga lisensya, at of course dahil hindi sila rehistrado sa LTO wala din po silang insurance, third party liability,” dagdag pa niya.
Sabi ni Ejecito, makikipag-ugnayan ang DOTr sa Department of Local Government (DILG) at sa LGUs para sa paghuli ng mga pasaway ng e-bikes simula sa Disyembre 1.
“Nag-commit po ang ating bagong LTO head si Asec. Lacanilao that by Dec 1, huhulihin na po lahat po ng mga e-trikes na nasa kalye,” ani Ejercito.
Nilinaw naman ni Tulfo na hindi siya kontra sa e-bikes subalit dapat umano silang ilagay sila sa ligtas na mga lugar. Kris Jose