Home NATIONWIDE Leviste kumontra sa 60-day suspension ni Barzaga: Kongreso pinuna sa ‘minadaling’ desisyon

Leviste kumontra sa 60-day suspension ni Barzaga: Kongreso pinuna sa ‘minadaling’ desisyon

249
0

MANILA, Philippines – Dinepensahan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste si Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa botohan para sa kanyang suspensyon noong Lunes, Dec. 1.

Si Leviste ay isa sa limang kongresistang tumutol sa rekomendasyon ng House Committee on Ethics and Privileges na suspendehin si Barzaga ng 60 araw with pay dahil sa kanyang maiinit at minsa’y kontobersyal na pahayag sa social media.

Natalo ang lima dahil 249 kongresista ang bumoto pabor sa suspensyon, pero nagawa ni Leviste na ipahayag ang matinding pagkadismaya niya sa ginawa ng Kamara kay “congressmeow”.

Ayon kay Leviste, minadali ang pagpaparusa kay Barzaga, samantalang may isa pa silang kasamahan—na hindi niya pinangalanan—na may mas mabigat umano na isyu.

“Ang boto ko ay ‘no’… dahil kuwestyunable para sa akin na minadali natin itong desisyon. Ngayong hapon lang natin nakuha ang committee report,” sabi ni Leviste, halatang galit.“Inuuna natin ang kaso niya kaysa sa mas seryosong isyung kinakaharap ng isa sa mga kasamahan natin… isang kapwa ko Batangueño.”

Tinutukoy niya ang isyu ng umano’y korapsyon sa DPWH, kung saan isang kongresista umano ang inakusahan na nagbayad para sa mahigit ₱100 bilyon na kontrata.

“Hindi ba nakakahiya? Parang normal na lang na meron tayong kasamahang iniuugnay sa pagnanakaw ng bilyun-bilyong piso pero hindi iniimbestigahan ng Ethics, Public Works o Infra Committee, samantalang inuuna natin ang kaso ni Cong. Barzaga.”

Dinagdag pa ni Leviste na nakakahiya ang naging desisyon ng Kongreso, lalo na sa gitna ng mga alegasyon ng malalaking kaso ng korapsyon.

Samantala, sinabi ng Ethics Committee na si Barzaga ay napatunayang guilty ng disorderly conduct at behavior unbecoming of a House member.

Noong Oktubre, nang tanungin si Leviste tungkol kay Barzaga, sinabi niya: “Hanga ako sa kanya. Kailangan ng mas maraming independent voices sa Kongreso.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here