MANILA, Philippines – Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na nabigong makolekta mula sa Office of the President (OP) ang higit P14.4 milyon na advance payment para sa gastusin sa foreign travel ng iba’t ibang opisyal ng gobyerno.
Saklaw ng hindi pa nababayarang halaga ang pamasahe sa eroplano at hotel na unang binayaran ng OP para sa mga opisyal na kasama sa mga presidential delegation mula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.
Ayon sa 2024 annual audit report, ang P14,403,827.63 na dapat kolektahin ay nakabinbin pa rin hanggang Disyembre 31, 2024.
Babala ng COA, ang patuloy na pagkaantala sa pagbabayad ay nagbabawas sa pondo ng OP na dapat sana’y para sa kanilang mga programa at maaaring magdulot ng panganib na hindi na makolekta ang mga utang.
Kabilang sa mga biyahe na may hindi pa nababayarang gastos ay ang mga presidential trip sa China, Japan, United States, Europe, at Southeast Asia.
Gayundin, marami pang ahensya ang may gastos na hindi pa nababayaran, kabilang ang:
–Board of Investments
–Bureau of Internal Revenue
–Department of Agriculture
–Department of Finance
–Department of Foreign Affairs
–Department of Information and Communications Technology
-Department of the Interior and Local Government
–Department of Justice
–Department of Migrant Workers
–Department of Public Works and Highways
–Department of Tourism
–Department of Trade and Industry
Kasama rin ang mga opisyal mula sa Senado, Kamara, Presidential Communications Office, Presidential Management Staff, National Security Council, Radio Television Malacañang, at TESDA.
May ilang delegado rin mula sa mga lokal na pamahalaan tulad ng Bacolod, Sultan Kudarat, at Tawi-Tawi na may ambag sa hindi pa nakokolektang halaga.
Ayon sa COA, inumpisahan ng OP ang mga biyahe nang walang pormal na kasunduan kung paano mababawi ang gastos. Walang naitalang prior agreement o umiiral na policy/guidelines sa pagbabayad o reimbursement.
Dagdag pa, hindi rin nagpadala ng follow-up demand letters ang OP sa mga dapat man singilin.
Inirekomenda ng COA na magpadala ng demand letters sa mga may utang na ahensya para sa agarang koleksyon at magpatupad ng mekanismo upang mas mapadali ang pagsingil at pagbawi ng pondo.
Ayon pa sa COA, 52% o P7,470,108.96 ng receivables ay mahigit dalawang taon nang hindi nababayaran, habang 45% o P6,469,992.26 ay isang taon hanggang dalawang taon nang overdue.
Nagpahiwatig ito na kailangang palakasin ng OP ang koleksyon mula sa mga ahensyang may utang.
Ayon naman sa OP, nagpadala na sila ng demand letters noong Abril 2025 para sa mga matagal nang hindi nababayarang account.
Sinabi rin nila na patuloy nilang imo-monitor ang natitirang hindi pa nababayarang halaga sa pamamagitan ng regular na pagpapadala ng demand letters. RNT/MND