HINDI na tayo nabigla matapos “langawin” lang ang nakaraang rally sa Luneta noong Linggo na tinawag na “Baha sa Luneta 2.0”. Part 2 ito ng Sept. 21 rally na naging madugo nang sumugod ang mga nagprotesta sa paanan ng Mendiola matapos makipagbakbakan sa mga pulis.
Hindi katulad ng nakaraang mobilisasyon ng Iglesia ni Cristo na naghahangad ng transparency and accountability, ang Nov. 30 protest ay inorganisa ng mga makakaliwang grupo na hindi naman totoong interesado sa pagsusulong ng pananagutan kaugnay ng multi-billion flood control projects-related corruption investigations.
Ang pinupursige ng leftist communist organizations ay palitan ang gobyerno nang ayon sa gusto lamang nila. Kaya nga maraming Filipino ang sukang-suka na sa kanilang ideyolohiya, maliban sa mga kabataang kaya nilang lokohin at bolahin.
Paano ba naman ito matatawag na protesta para sa transparency eh, tumatalon pa sa galak ang mga nasa Palasyo kasi nga’y nakita agad na ito ay papalpak. Matapos ang paghahanda at perang ginastos, 3 libo lang ang nakita sa “Baha sa Luneta” at 6 libo sa star-studded EDSA rally. Mas marami pa ang pwersang panseguridad kaysa mga raliyista. E kasi’y matingkad na matingkad ang katotohanan na ang mga nagplano ng Nob. 30 rally ay walang anong bigat ng kredibilidad upang maakit ang atensyon at simpatiya ng mas malaking masa.
Ang mga organizer ay mga tagapaghasik lamang ng gulo at hindi mga strategist na walang malinaw at tinutukoy na layunin.
At hindi nga tayo nagkamali, ang crowd mula sa Luneta ay bigla na namang sumugod patungo sa Mendiola area na handa uling makipagbaragan sa mga pulis. Mabuti na lamang ay agad silang naharang sa C.M. Recto. Ito kasi ang gusto nila sa tuwing magsagawa ng kilos-protesta – ang magkaroon ng kaguluhan o maging madugo para makakuha ng national at international attention.
Ang mga nasabing grupo ay tutol sa constitutional process of succession for a leadership change at ang gusto’y bumuo ng transition council para i-take over ang gobyerno. Isa itong malaking kalokohan!
Una na itong ibinasura ni Caritas Philippines president at Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, maging ni Dumaguete Bishop Julito Cortes. Ayaw nila ng unconstitutional action! Ang gusto nila para sa mga Filipino ay komprontahin at supilin ang korapsyon nang naaayon sa ating Konstitusyon.






