Home OPINION MAG-INGAT SA PULIS SA RAPE, TORTYUR

MAG-INGAT SA PULIS SA RAPE, TORTYUR

317
0

KUNG kailan sinisikap ng Philippine National Police na maging ehemplo sa serbisyo publiko ang mga pulis, kasabay naman nito ang paglitaw ng mga asal-demonyo sa kanilang hanay.

Ang masama, mga Bro, mabibigat ang kanilang mga krimen – robbery in band, rape at tortyur at ginawa pa nang grupo.

RAPE AT PAGNANAKAW

Nasa 14 na pulis ang nasangkot sa kasong pagnanakaw at rape sa Bacoor, Cavite nitong Nobyembre.

Pangunahing isinagawa ang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Group na galing sa Camp Vicente Lim, Calamba, Laguna katulong ang Bacoor Police.

Pinamunuan ang PDEG ni PLt. Ram Rojun Pastor Maristeta habang pinamunuan naman ni PCapt. Herminigildo Soriano ang Bacoor Police.

Nang hindi madakip ang sinasabi nilang high value target, dito na umano ni-rape ang 18 anyos na girlfriend ng suspek saka tinangayan ng salapi at cellphone at idinamay na rin ang isang sasakyan at isang motorsiko saka hindi gumawa ng report.

Ang pinuno ng PDEG ang itinuro ng biktima na nang-rape sa kanya ngunit hindi nadamay ang Bacoor Police.

NANG-TORTYUR

Siyam na pulis-Navotas naman ngayon ang pansamantalang tinanggal sa pwesto sa paratang na tinortyur nila ang dalawang hinuli nila sa murder ng dalawang katao.

Kabilang sa mga tinanggal ang ilang intelligence officer at bantay sa mga detenido.

Inaalam ngayon ang katotohanan o kasinungalingan ng bintang ng mga detenido na ginapos ang kanilang mga kamay at mga paa at sinupot sa ulo saka sapilitang pinapirma ng mga gawa nang pahayag na umamin sila sa krimen at magturo ng iba pang mga suspek.

Todo deny naman ang mga pulis at sinabing ang mga detenido mismo ang umamin sa krimen sa extrajudicial confession at may patunay silang ginawa ito sa harap ng CCTV at sa tulong at harap ng isang abogado, bukod sa mga sari-saring ebidensya na nakumpiska laban sa kanila.

Sakaling totoo ang bintang ng mga detenido, paano?

PNP CHIEF NARTATEZ AT PGEN RAGAY, NAPOLCOM AT IAS

Talaga namang matinding kasiraan sa pulisya ang mga pinaggagawa ng mga pulis at may masamang epekto ito sa pagtitiwala ng mga mamamayan sa mga pulis na naturingan pa namang protector at serbidor ng mga mamamayan.

Mabuti na lang naririyan ang mabilis na mga aksyon nina PNP Chief LtGen. Melencio Nartatez, B/Gen. Elmer Ragay ng PDEG, National Police Commission at Internal Affairs Service ng PNP.

Para kina Nartatez at Ragay, zero tolerance pang-aabuso sa poder at paggawa ng krimen ang pinaiiral laban sa mga pulis.

At mabilis ding umaksyon ang Napolcom sa ilalim ni Vice Chairperson Atty. Rafael Vicente Calinisan laban sa umano’y mga rapist at magnanakaw na pulis habang mabilis ding nag-iimbestiga si IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay sa kasong tortyur sa Navotas.

Anoman ang kahihinatnan ng mga kaso, maganda ring aktibong nagbabalita rito si BGen. Randulf Tuañ, PNP spokesperson.

Aabangan namin, PNP chief, LtGen. Nartatez, sir, ang mabilis at makatarungang resolusyon sa mga kasong ito upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pulisya o mabigyan kaya ng hustisya ang mga biktima o pulis din na maaaring inosente naman sa mga paratang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here