MANILA, Philippines – Inatasan ni Acting Philippine National Police (PNP) Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Internal Affairs Service na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa umano’y insidente ng pagnanakaw ng limang pulis sa Pampanga na nagkakahalaga ng P14 milyon.
Inalis sa pwesto ng Police Regional Office Central Luzon (PRO 3) ang mga pulis nitong Martes habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, matapos na iulat ito ng mga miyembro ng Angeles City Police Station 2 sa pamamagitan ng unsigned letter.
Sa pahayag nitong Biyernes, Disyembre 5, sinabi ni Nartatez na inatasan niya ang PNP Internal Affairs Service na magsagawa ng parallel investigation sa umano’y robbery.
“There will be an investigation, and I want this done as soon as possible,” ani Nartatez.
“If the investigation finds them liable, I assure our fellow citizens that all of them will not only be dismissed from the service but will also go straight to jail,” dagdag pa.
Ang umano’y pagnanakaw ay nangyari noong Nobyembre 25 sa bahay ng biktima sa Barangay Santa Cruz, Porac, Pampanga.
Iniulat na pwersahang dinala sa banyo ang biktima, pamilya nito at mga guest habang kinukuha ng mga pulis ang cash.
Sa panayam, sinabi ni PRO 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr. na maghahain ng criminal at administrative case ang regional police laban sa mga pulis na sangkot sa insidente.
Ang itinuturong mga pulis na sangkot ay isang police major, police corporal, at dalawang police staff sergeants na nakatalaga sa Angeles City Police Station 2, at isa pang police corporal na nakatalaga sa Zambales Provincial Police Office. RNT/JGC