MANILA, Philippines – Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kahalagahan ng fire safety habang pinarangalan ang 2025 Ten Outstanding Firefighters of the Philippines (TOFF) sa isang simpleng seremonya sa Taguig City noong Huwebes, Disyembre 4.
Sa mensahe ni DILG Undersecretary Rolando Puno para kay Secretary Jonvic Remulla, binigyang-diin ang pangako ng DILG na paigtingin ang serbisyo ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong bansa bilang bahagi ng pampublikong kaligtasan.
“Through TOFF, we are affirming our commitment to strengthening fire safety services and expressing our gratitude to the men and women of the BFP who never waver in upholding their oath,” sabi ni Puno.
Ang mga commissioned officer awardees ay sina:
–Fire Senior Supt. Bartolome O. Beliran (Region 6)
–Fire Supt. Josephus F. Alburo (NCR)
–Fire Chief Insp. Zardoz V. Abela (Region 8)
–Fire Senior Insp. Julius R. Mangrubang (Region 3)
–Fire Senior Insp. Karl Aerole M. Rosales (NHQ)
Ang mga non-commissioned officers na pinarangalan ay sina:
–Senior Fire Officer 3 Lloyd C. Francisco (Region 3)
–Senior Fire Officer 2 Donn C. Analoague (Region 11)
–Senior Fire Officer 1 Jan Vincent R. Alba (Region 4A)
–Fire Officer 3 Dianne Daphne P. Bruno (Region 4A)
–Fire Officer 2 Bernard P. Sureta (Region 5)
Bawat awardee ay tumanggap ng plaque, medallion, at P250,000 cash prize mula sa SM Prime Holdings.
Pinuri ni Puno ang mga awardees bilang halimbawa ng disiplina, integridad, at katatagan, at binanggit na ang mga firefighter ay “sa puso ng ating pambansang kaligtasan.”
Pinasalamatan din niya si BFP Chief Jesus Fernandez sa pagbaba ng insidente ng sunog at sa pagpapalawak ng papel ng BFP sa Unified 911 emergency system. Binanggit rin ang mga plano para sa modernisasyon, tulad ng dagdag na firetrucks at bagong fire stations sa ilalim ng proposed 2026 budget.
Pinuri rin ang patuloy na pakikipagtulungan ng SM Prime Holdings at ipinakita ang kahandaan ng DILG para sa mas malalim na kolaborasyon para sa isang ligtas at disaster-resilient na Pilipinas.
Kasama sa seremonya sina DILG Assistant Secretary Lilian M. De Leon, BFP NHQ Praise Committee Chairperson Fire Chief Supt. Wilberto Rico Neil A. Kwan Tiu, TOFF 2025 Head Secretariat Atty. Pearly Joan Jayagan Turley, at iba pang katuwang mula sa pampubliko at pribadong sektor.
Ang TOFF ay taunang programa na kumikilala sa limang commissioned at limang non-commissioned officers na nagpapakita ng tapang, inobasyon, at dedikadong serbisyo publiko. RNT/MND