SA oras ng mga ligal na kontrobersya na ikinagugulo ng buong lipunan Filipino, nakikita ang napakahalagang papel ng Supreme Court na mamagitan para mamayani ang katotohanan at hustisya.
At sa pamamayani ng katotohanan at hustisya, napipigilan ang pagsirit ng galit na bunga ng mga ligal na kontrobersya na kung pag-aaralan, bagama’t mukhang ligal, ay pangunahing pulitikal.
‘Yun bang === pangunahing may halong agawan sa pwesto sa pamahalaan at may pansariling interes, lalo’t palapit at palapit ang halalang 2028 para sa posisyong Pangulo ng bansa.
‘Yan ay kung matutuloy ang nasabing halalan sa rami ng mga maniobra na hindi ito matutuloy.
KASONG PHILHEALTH
Kabilang sa mga kontrobersya ang pagsibak sa pondo ng PhilHealth na P89.9 bilyon sa pamamagitan ng General Appropriations Act (GAA) of 2024 at inilipat ang P60B sa National Treasury habang inilagay sa Temporary Restraining Order ang P29.9B.
Makaraang sibakin, inilagay ito sa unprogrammed funds para pondohan ang ilang proyekto ng gobyerno na walang pondo.
Dahil dito, nawalan ng pondo ang PhilHealth para sa health insurance ng mga wala o kapos sa kita na mahihirap, senior citizens, persons with disabilities at iba pang mga katulad nila.
Nagmula ang pondo sa Sin Tax Law na nagtakda ng buwis sa alak, yosi (kasama ang vape) at softdrinks.
Sa katunayan, dapat 80 porsyento ng buwis dito ang pamamahalaan ng PhilHealth at 20% naman ang hahawakan at gagamitin ng Department of Health.
Ayon sa Supreme Court, labag sa Konstitusyon ang pagsibak sa pondo sa bisa ng Special Provision (1)d ng GAA 2024 dahil para na ring pinawalambisa nito ang Section 11 ng Universal Health Care Act (UHCA) at ang Sin Tax Law.
‘Yun bang === hindi pupwedeng ipawalambisa ng GAA umiiral na mga batas.
Diniinan din ng Korte ang Special Provision (1)d bilang rider o paningit lang o amyenda sa GAA at wala itong kinalaman sa layunin ng GAA mismo.
Dapat na lahat ng nilalaman ng GAA ay konektado sa pinakalayunin nito upang mapigilan ang pandaraya at mabigyang-kaalaman ang madla sa nilalaman ng GAA.
SAAN NGA BA GINAMIT?
Makaraang maisauli ang P60B sa National Treasury at mailagay sa unprogrammed funds, saan nga ba talaga ginamit ito?
Nagkaroon ng sari-saring paniniwala rito ng marami.
Lalo na’t ginagamit ang malaking bahagi ng unprogrammed funds, gaya ng iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee, sa maaanomalyang ghost projects sa flood control, ospital, eskwela, farm-to-market road at iba pa.
PINASASAULI NA
Ngayon, mga Bro, inorderan ng Supreme Court ang gobyernong Marcos na isauli sa PhilHealth ang P60B at kukunin ito sa 2026 pambansang badyet.
Dahil dito, ang P53B panukalang badget para sa 2026 ay magiging P113 na dahil isasama rito ang P60B pinasasauli.
Tanong lang: Makatutugon na ba ang PhilHealth sa puna na hindi nito natutupad ang tungkulin nitong magbigay ng “Zero Balance Bill”, lalo na sa mahihirap na pasyente?
Pero maraming salamat sa Supreme Court sa paggigiit ng katotohanan na hindi dapat balewalain ang mga batas pangkalusugan at hustisya naman sa mga nawalan na benepisyaryo.
Malaking dagok ito sa mga magnanakaw at mapagsamantala sa gobyerno at pribadong sektor.






