Home HOME BANNER STORY Sarah Discaya, sumuko sa NBI

Sarah Discaya, sumuko sa NBI

364
0

MANILA, Philippines – Sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang contractor na si Sarah Discaya matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkakaroon ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng anomalya sa flood control projects.

Dumating si Discaya sa punong-himpilan ng NBI sa Pasay City ng alas-10 ng umaga matapos siyang makipag-ugnayan sa ahensya. Kasalukuyan siyang naghihintay na mailabas ang warrant of arrest laban sa kanya.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Marcos na inaasahang lalabas ang warrant sa linggong ito.

“Inaasahan na din nating lalabas ang warrant of arrest ni Sarah Discaya itong linggong ito, at hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kanya,” ani Marcos.

Si Discaya at ang kanyang asawa na si Pacifico ay nasasangkot sa mga anomalya sa flood control projects. Pag-aari nila ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, isa sa 15 kumpanya na nakakuha ng 20% ng mga flood control projects sa bansa.

Ani Marcos, may walong tauhan din mula sa Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental na nagpadala ng sulat na nagsasaad na nais nilang sumuko sa NBI dahil sa kanilang kaso kaugnay ng anomalya sa flood control.

Si Discaya at siyam pang iba ay nahaharap sa kaso ng diumano’y malversation of public funds at paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, kaugnay ng P96.5-milyong ghost flood control project sa Barangay Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Matatandaang nagpakita ng intensyon ang mag-asawa na maging state witnesses sa imbestigasyon, pero sinabi ng Office of the Ombudsman na wala silang pagkakataong maging saksi dahil sa malalim nilang pagkakasangkot sa anomalya. Huminto rin sila sa pakikipag-ugnayan sa Department of Justice. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here