MASAYANG ipinaalam ng Home Development Mutual Fund o mas higit nakilala bilang Pag-IBIG Fund na nakamit nito ang “Best Sustainability Initiatives Award” para sa 2025, bilang pagkilala sa kanilang masigasig na pagsasama ng sustainability values at responsableng pamamahala sa lahat ng programa, serbisyo, at internal operations ng ahensya.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary at Pag-IBIG Fund Board Chairperson Jose Ramon Aliling, hindi lamang ito tropeo kundi isang patunay sa walang-sawang pagsusumikap ng ahensya na palakasin ang responsableng pamamahala, transparency, at makabuluhang serbisyo publiko.
Sa 2025 Governance Commission for GOCCs (GCG) Awards Ceremony na ginanap sa Parañaque City noong Disyembre 1, 2025, ibinahagi ni Secretary Aliling ang taos-pusong pasasalamat ng ahensya.
May saya at buong pagpapahalaga niyang sinabi na lubos silang nagpapasalamat ni chief executive officer Marilene Acosta sa parangal, dahil patunay umano ito na patuloy na isinasabuhay ng Pag-IBIG Fund ang sustainability sa bawat aspekto ng kanilang trabaho na mula sa pamamahala ng pondo, hanggang sa pangangalaga sa kanilang mga miyembro, at maging sa pagsuporta sa mga layunin ng pambansang kaunlaran.
Dagdag pa niya, ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa progreso ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., at nagpapatibay sa kanilang papel sa pagsusulong ng accountability, operational efficiency, at sustainable nation-building.
Mahalaga at mabigat ang parangal na natanggap ng Pag-IBIG Fund, tumutukoy ito sa lumalaking papel ng sustainability sa pampublikong sektor.
Kapag may sustainability framework ang isang ahensya, mas mahusay ang pag-budget at mas transparent ang paggamit ng pondo. Bumababa ang panganib ng mismanagement at mas napalalawak ang mga serbisyong tunay na may epekto sa mamamayan.
Kasama sa sustainability ang digitalization, energy efficiency, paperless transactions, at waste reduction. Mas mabilis na serbisyo, mas kaunting gastos, at mas magandang karanasan para sa publiko.
Sa harap ng tumitinding epekto ng climate change, mahalaga ang mga institusyong tumutulong magpatayo ng climate-resilient housing, gumagawa ng green financing, at nagpapatupad ng eco-friendly policies.
Kapag malinaw na may pananagutan, transparency, at malasakit sa kapaligiran at mamamayan ang isang ahensiya, mas tumataas ang kumpiyansa ng publiko.
Ito mismo ang layong tinutugunan ng GCG Awards.
Maraming international frameworks katulad ng UN Sustainable Development Goals (SDGs) ang naghihikayat ng environmental, social, at governance (ESG) initiatives. Ang mga ahensyang sumusunod dito ay mas nakikilala at mas nagiging competitive.
Ganito ang ginagawang hakbang ng Pag-IBIG Fund.






