
MANILA, Philippines – Hinirang na kampeon si Luis Barredo matapos manalasa sa Mixed Masters Division ng katatapos na 2nd Remate Open Championships na ginanap sa Playdium Bowling Center sa Quezon City.

Kumamada si Barredo (SLETBA-Remate-Bearing Center) ng 2,409 sapat para masungkit ang kampeonato sa Mixed Masters at maibulsa ang tumataginting na P80,000 champion cash prize at trophy.
Mismong si Remate Bowlers Club/ Manila Tenpin Bowlers Association President Benny Antiporda ang nag-award ng premyo at trophy kay Barredo at sa ibang mga nanalo sa event na suportado ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Naibulsa naman ni Kenneth Chua (TBAM) ang 1st runner-up crown at nakuha ang P40,000 cash prize at trophy matapos umiskor ng 2,343.

Kumpiyansa si Chua na makababawi siya sa 3rd Remate Open Championships dahil kaunti lang ang diprensiya ng kanilang iskor kontra sa hinirang na kampeon na si Barredo.
Si CJ Acuavera na pambato ng PTBA ang nag-uwi ng 2nd runner-up plum sa iskor na 2,297 at tumangay ng cash prize na P20,000 plus trophy.






