PUTOK na putok sa ilang sulok ng Camp Crame na magkakaroon ng reshuffle sa regional offices at iba’t ibang unit ng Philippine National Police kaya naman mayroong natuwa pero siyempre mayroon ding nalungkot.
Isa sa pumutok na pangalan na masisibak sa pwesto ay ilang regional director kabilang ang isa na lubhang kinaiinisan ng mga mamamahayag dahil sa pagiging arogante nito at hindi pagkilala sa “mainstream media.”
Kilala lang ng opisyal na ito ay ang mga mediamen sa telebisyon at vloggers dahil mas marami raw ang mga itong viewers. Totoo namang wala nang nagbabasa ng mga pahayagan pero may online na rin ang mga pahayagan at iyan ang hindi alam nitong opisyal.
Ang opisyal na ito, mismong sa bibig niya nanggaling, ay malapit kay Pangulong Bongbong Marcos. Sinabi niya sa isang grupo ng reporters na humarap sa kanya. “Syempre, hindi ako mapupuwesto rito kung hindi ako kilala ng Pangulo,” pagyayabang na hayag nitong RD na ito.
Ang isa pang nakatutuwa, dahil sa balitang masisibak na ang opisyal na ito, pati ang kanyang mga alagad na kayang nailuklok sa pwesto ay balitang-balita na masisibak na rin. Iyan ang ikinatutuwa ng marami lalo na ang mga pulis na nasa ilalim ng kapangyarihan ng opisyal na it oni RD.
Bakit sila masaya? Balita pa lang yan ha? Kasi nga, sa panahon ng opisyal na ito, taggutom ang mga pulis. Lahat ng intelihensya ay umaakyat sa opisina ng alagad na it oni RD. Pagpasok sa kanang bulsa, wala nang lumalabas. Kaya ultimo Month Operational Expenses sa mga opisina ay hindi na makababa. Ang mga pulis, bumibili mula sa sariling pera ng kanilang mga gamit sa opisina.
Medyo matagal-tagal na rin naman sa puwesto ang mag-among ito. Kaya dalangin ng maraming nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang matindi ang panalangin na sana nga ay masibak na ang mga ito sa pwesto nang sa ganoon ay hindi puro “akin, akin, akin” ang pumapasok na grasya at sa halip ay mabiyayaan din sila.
Payo lang sa mga pulis na nananalangin, hayaan na ang mga grasya sa kanila. Isang araw ay matitisod din ang mga iyan at tiyak na disgrasya at karma ang darating sa kanila. Antay-antay lang.
PNP Acting chief PLtGen Jose Melencio Nartatez Jr. sana mahulaan mo kung sino ang mga ito para totoong masibak na sa pwesto (hiling iyan ng mga miyembro ng PNP).






