Home OPINION PONDONG GINAMIT SA TISSUE PAPER, PANG-SERBISYO NG SSS SA MGA MIYEMBRO

PONDONG GINAMIT SA TISSUE PAPER, PANG-SERBISYO NG SSS SA MGA MIYEMBRO

337
0

NASA sentro na naman ng kontrobersya ang Social Security System (SSS) tungkol sa Commission on Audit (COA) report hinggil sa Php13.195 million na halaga ng tissue paper o katumbas ng 143,424 piraso. Sa kasalukuyang panahon kung saan mabilis ang paghatol ng publiko, kailangang maituwid ang maling akala: Ang pondong ginamit para sa tissue paper ito ay hindi pag-aaksaya, hindi kapritso, at lalo namang hindi katiwalian. Ito ay bahagi ng isang malinaw, praktikal, at napakahalagang pangangailangan, ang kalinisan at dignidad sa serbisyo para sa publiko.

Para sa kaalaman ng lahat, araw-araw, may 300 hanggang 500 miyembro ng SSS ang nag­tutungo sa tanggapan. Sila ang mga ama, inang nag-aalaga sa ta­hanan, manggagawang kuma­kayod, at mga retiradong uma­asa sa kanilang benepisyo. Lahat sila ay nananawagan ng maayos na serbisyo.

At bahagi ng serbisyong iyon ay ang pagkakaroon ng malinis, maayos, at gumaganang mga pasilidad lalo na ang mga ban­yo na hindi pwedeng pabayaan. Ka­iba sa maraming tanggapan, isa marahil sa maipagmamalaki ng SSS ay ang pagkakaroon nito ng namimintinang malinis na ban­yo.

Sa nakaraang mga taon, lu­mawak ang operasyon, dumami ang transaksyon, at lalo pang tumindi ang pangangailangan sa hygiene supplies. Hindi lamang ito tungkol sa isang gusali o isang opisina; tumutukoy ito sa maraming tauhan, at libo-libong taong pumapasok buwan-buwan. Ang tissue paper ay hindi simpleng produktong binibili at itinatabi; ito ay mabilis maubos, araw-araw ginagamit, at kritikal sa pagpapanatili ng kalinisan. Ka­pag wala nito, hindi lamang discomfort ang dulot nito, may banta rin ito sa kalusugan, lalo na sa mga pasilidad na tinutungo ng maraming tao.

Ang pondo para sa tissue paper ay sinuri, pinag-aralan, at ipinamahagi ayon sa aktuwal na pangangailangan. Kapag iniu­ugnay ito sa kabuuang operas­yon ng isang pambansang ins­titusyon na may tungkulin sa milyon-milyong Filipino, makikita na ang halagang Php13.195 million ay hindi indikasyon ng sobra, kundi tugon sa tunay na lawak ng serbisyo ng ahensiya.

Hindi maikakaila na may mga pagkakataong nagkakaroon ng agam-agam ang publiko kapag malalaking numero ang nababa­sa. Nauunawaan ko iyon. Na­tu­ral na magtanong ang tao. Ngunit bilang media advocate na sinusuri ang SSS, kailangan kong sabihin nang may buong linaw na base sa aking nalalaman, wala ni isang sentimo ang napunta sa hindi dapat puntahan. Ang bawat rolyo ng tissue ay nagamit, ipinamahagi sa mga opisina, at nakatulong upang ma­siguro na ang bawat miyembro at empleyado ay may disenteng pasilidad na magagamit.

Hindi rin dapat maliitin ang epekto ng malinis na pasilidad sa karanasan ng isang tao sa anomang tanggapan. Ang isang simpleng tissue paper ay simbolo ng respeto sa miyembro ng SSS na naghihintay sa pila, sa empleyadong naglilingkod nang tapat, at sa mamamayang nara­rapat lamang tratuhin nang may dangal.

Ang paglalaan para sa ga­nitong pangangailangan ay hin­di dapat kinukutya kundi nauuna­waang bahagi ng responsableng pamamahala.
Kaya’t sa harap ng kontrober­syang ito, ang inyong Agarang Serbisyo Lady ay kaisa ng SSS sa paninindigang ang Php13.195 million para sa tissue paper ay hindi pag-aaksaya. Ito ay puhunan sa kalinisan, kaligtasan, at dig­nidad ng bawat Filipino na nag­tutungo sa tanggapan nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here