MANILA, Philippines – Mahigit isang milyong Pilipino ang nakinabang sa ipinatutupad na zero balance billing policy sa loob lamang ng apat na buwan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang access sa serbisyong pangkalusugan sa bansa, ayon sa Malacañang.
“Bilang bahagi ng kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang healthcare sa bansa, umabot na sa higit 1,078,000 ang natulungan ng zero-balance billing program ng Department of Health matapos lamang ang apat na buwan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Palasyo.
Sa kanyang Fourth State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, inanunsyo ni Pangulong Marcos na pinatutupad ng gobyerno ang zero-balance billing policy upang maibsan ang pasaning pinansyal ng mga pasyente.
Sa ilalim ng polisiya, tinitiyak na sasagutin ng gobyerno ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng sinumang ma-admit sa basic o ward accommodation sa mga ospital ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Castro, ang DOH sa pamumuno ni Health Secretary Teodoro Herbosa ay nagpatibay na patuloy na ipinatutupad ang zero-balance billing sa mga ospital nito upang matiyak na ang publiko ay makatatanggap ng pinakamataas na benepisyo sa kalusugan.
Tiniyak ng Palace Press Officer na nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagpapanatili ng abot-kamay na mga serbisyong medikal at ang mga higit na nangangailangan ng pangangalagang pangkalusugan ay patuloy na makatatanggap nito nang libre.
“Makakaasa ang mga kababayan natin na mananatiling abot-kamay ang maayos na kalidad ng serbisyo ng mga pampublikong ospital at libre ang pagpapagamot para sa mga lubos na nangangailangan,” wika ni Castro.