MANILA, Philippines – Walang garantiya na ang bersyon ng House leaders ng anti-political dynasty ang magiging pinal na bersyong aaprubahan sa committee level, ayon kay House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Zia Alonto Adiong.
Ang pahayag na ito ay inilabas niya kasunod ng mga kritisismo na ang anti-political dynasty bill na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos ay “deceptive”, “lacking”, at “unconstitutional”, at papayagan pa rin ang “fat political dynasties”.
Sa ilalim ng House Bill 6771, ang mga asawa at indibidwal na may kaugnayan hanggang sa fourth civil degree of consanguinity or affinity ay pinagbabawalang sabay na makaupo sa elective national position, o posisyong nasa kaparehong legislative district, provincial government, lungsod, munisipalidad o kaparehong barangay.
“Wala namang garantiya talaga na isa diyan ay magiging working draft or ‘yung isa diyan ay ‘yun ang lalabas na. The final version that would be carried out by the committee, that would depend on the result of the discussions, and would be decided upon by the committee as a whole,” ani Adiong.
Idinagdag pa niya na ang final draft ng panel ay ang pinagsama-samang bersyon ng mahigit 10 anti-political dynasty bill na pending pa sa mababang kapulungan at resulta ng konsultasyon sa legal luminaries, experts, at stakeholders.
Siniguro ni Adiong na ang usapin sa mga pending na panukala laban sa political dynasty ay magiging “democratic” at “inclusive”.
“We have to open up the discussion, not only in the committee but even go down to the grassroots to get the sense of what exactly is the current situation on the ground and how they receive such proposals,” aniya.
Binibigyang mandato sa 1987 Constitution ang pagbabawal sa political dynasty. Sa kabila nito, sinabi ni House Deputy Minority Leader Leila de Lima na ang panukala ng House leaders ay labag sa espiritu ng constitutional provision, at maaaring makwestyon sa Korte Suprema kung isasabatas nang walang pag-amyenda.
“Masasabi ba natin na pino-prohibit na ang political dynasty sa ganitong substance, sa ganitong wordings, sa ganitong substantive provisions ng isang panukalang batas? I would say no! Klaro sa akin na meron pa rin itong… political dynasty!” ani De Lima.
“It’s the reality na magkakapatid, mag-ama, mag-ina, mag-asawa…. ‘yung isa nasa congressional district, ‘yung isang kapatid nasa senado… and then ‘yung isa nasa party list. That’s the reality now. Now, is it being addressed by this bill? It’s not! So, i-legitimize pa nga ng batas na ito…Substantially, is it really a genuine effort to get rid of political dynasties, to prohibit political dynasties as decreed by the Constitution? I say no, categorical no!” dagdag niya.
“I wouldn’t be surprised if certain groups would question that… Kung maging batas na, pwede kwestyunin na… violative of the Constitutional spirit, violative of the Constitution, unconstitutional dahil nga hindi sumusunod sa espiritu and the letter even of the Constitution.”
Hindi naman katanggap-tanggap para kay ACT Teachers Party List Representative Antonio Tinio ang bersyon ng House leaders ng panukala.
“Hindi katanggap-tanggap ‘yung malabnaw na definition ng anti-dynasty bill na… pinahihintulutan pa rin, national hanggang local ay mayroong iisang pamilya na nakaupo. Kailangang maging malinaw sa ating mga mambabatas na hindi natin tatanggapin ang masyadong malabnaw na version ng isang anti-dynasty law,” anang mambabatas.
“Kung mayroon nang isang nakaupo sa posisyon ay hindi na pwede na mayroon pa, whether it’s local, national, basta isa lang. Tapos up to fourth degree of consanguinity…Pero, alam din naman natin, realistic tayo na ang panukalang ito ay pag-uusapan at magkakaroon ng mga ibang proposals. So, kung mas limited ang magiging batas, kung mayroon man, mas mabuti yun. So talagang itutulak natin ‘yung maximum,” dagdag ni Tinio. RNT/JGC