MANILA, Philippines – ITINUTURING ni Vice President Sara Duterte ang paghahain ng kasong plunder at graft complaints laban sa kanya at sa 15 iba pa bilang isang “another fishing expedition” at para pagtakpan ang korapsyon at maling paggamit ng public funds.
“Another fishing expedition is now being launched, as they scramble to weaponize any accusation they can manufacture just to create a semblance of procedural legitimacy for an investigation,” ang sinabi ni VP Sara sa isang kalatas na makikita sa social media.
“Hinihikayat ko ang ating mga kababayan na maging mapanuri at huwag basta magpapadala sa mga paninira. Hindi ito tungkol sa paghahanap ng katotohanan — ito ay tungkol sa pagtakip ng nakawan sa kaban ng bayan na hanggang ngayon ay walang nananagot,” ang winika ni VP Sara.
Sa ulat, sinampahan ng reklamong plunder at iba pang kasong kriminal si VP Sara kasama ang 15 pang opisyal sa Office of the Ombudsman (OMB).
Ito ay kaugnay sa umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds ng kanyang opisina pati na rin noong naninilbihan ito bilang Department of Education (DepEd) secretary.
Bukod sa plunder, lumabag rin ang bise presidente sa Articles 210 at 212 ng Revised Penal Code on bribery, sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, at may kasalanan din umano siya sa pagyurak sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo laban kay VP Sara ay sina Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Roberto Reyes, dating presidential adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, UP Professor Emerita Dr. Sylvia Estrada Claudio, economist at dating Department of Finance Usec. Dr. Maria Cielo Magno, writer at anti-corruption advocate Christopher Cabahug, pati na rin ang mga lider-kabataan na sina Matthew Christian Silverio at John Lloyd Crisostomo.
Ayon sa ipinasang reklamo, ipinatupad ng bise presidente ang isang “identical, systematic scheme” sa pagitan ng OVP at DepEd para maiwasan ang mga batas at pamamaraang namamahala sa confidential funds.
“Then came the revelation that signatures for my impeachment were being courted in exchange for budget allocations. Several lawmakers themselves recently confirmed how the constitutional process was being cheapened and reduced to a marketplace,” ang sinabi naman ni VP Sara.
“Patuloy lamang tayong maging matatag sa harap ng pagbagsak ng ekonomiya at walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Patuloy tayong magdasal para sa kapayapaan,” aniya pa rin.
“Rest assured that the Office of the Vice President will continue to deliver efficient, accessible, and responsive public service for the good of all Filipinos. Shukran (Thank you),” ani VP Sara. KRIS JOSE