BILANG isang abogado, mahalagang ilagay sa tamang konteksto ang kontrobersyang bumalot sa pagsama ng sektor ng LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender and queer) sa libreng sakay ng Metro Railways Transit at Light Railways Transit sa ilalim ng “12 Days of Christmas” ng Department of Transportation.
Sa batas, hindi lahat ng pagkakaiba ng trato ay awtomatikong diskriminasyon. May tinatawag tayong reasonable classification, sang pagkilalang may layunin ang pamahalaan kung bakit may binibigyang benepisyo sa isang takdang panahon.
Unang-una, malinaw ang pahayag ng DoTr na walang kailangang ideklarang identity, walang dokumentong ipakikita, at walang tanong-tanong. Sa pananaw ng karapatan, mahalaga ito. Ang paghingi ng “patunay” ng pagiging LGBTQ ay magiging tahasang paglabag sa karapatan sa privacy at maaaring magbukas ng pinto sa diskriminasyon. Mabuti at agad itong inalis ng DoTr sa usapin.
Ngunit nauunawaan ko rin ang tanong ng marami: bakit kailangan pang banggitin ang LGBTQ gayong ang ilan sa kanila ay saklaw na ng ibang sektor tulad ng estudyante, guro, o manggagawa ng gobyerno? Sa batas, hindi naman ipinagbabawal ang pagbibigay ng simbolikong pagkilala. Ang libreng sakay ay hindi nakabatay sa pisikal na limitasyon o kapansanan, kundi sa intensyong magbigay ng munting pamasko at magpadama ng pagkilala sa mga sektor na madalas ding nakararanas ng marginalisasyon.
Dito pumapasok ang mahalagang aral mula sa nagdaang kontrobersiya noong 2023 sa Land Transportation Office, kung saan isinama ang LGBTQ sa priority lane kasama ng senior citizen at Persons with disability. Tama ang naging puna noon na ang pagiging LGBTQ ay hindi pisikal na kondisyon na nangangailangan ng prayoridad sa serbisyo. Kaya tama ring agad na binawi ang polisiya. Ibang usapin ang libreng sakay sapagkat ito ay pansamantala, boluntaryo, at hindi nag-aalis ng karapatan ng iba.
Sa huli, ang tanong ay hindi kung “karapat-dapat” ba ang LGBTQ sa libreng sakay, kundi kung may diskriminasyon bang naganap. Kung walang tinatapakang karapatan, walang sapilitang paglalantad ng pagkakikilanlan, at malinaw na mabuti ang layunin, hindi ito dapat gawing ligal o moral na krisis.
Bilang abogado, naniniwala akong sa ganitong mga usapin, mas mahalaga ang intensyon, epekto, at paggalang sa dignidad ng bawat isa—hindi ang pagpapalaki ng alingasngas






