MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House of Representatives sa third at final reading ang Housing Loan Restructuring and Condonation Act, isang panukalang batas na nagbibigay lunas sa mga benepisyaryo ng socialized at low-cost housing programs.
Ayon sa panukala, magkakaroon ng komprehensibong loan restructuring at condonation program para sa mga utang sa pabahay sa ilalim ng National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), at Philippine Guarantee Corporation (PGC).
Pinuri ni Cavite 1st District Rep. Lani Mercado-Revilla, isa sa pangunahing may-akda ng panukala, ang hakbang na ito na magbibigay pagkakataon sa mga homeowners na mapanatili ang kanilang tahanan sa pamamagitan ng pagbabawas sa interes, penalties, at surcharges.
Kapag naaprubahan ang aplikasyon ng borrower, maaaring bawasan o tanggalin ang umiiral na interes, penalties, at surcharges, at ang restructured loan ay magkakaroon ng mas mababang interest rate upang maging abot-kaya ang buwanang hulog. Tatanggalin rin ang processing fees at down payment requirements para sa mga aplikante ng restructuring. Maaari ring pahabain ang loan terms sa makatuwirang limitasyon upang higit na mabawasan ang buwanang amortization at maiwasan ang default sa hinaharap.
Ani Mercado-Revilla, “Hindi dapat maging habambuhay na pasanin ang pabahay. Ang bahay ay pundasyon ng dignidad at seguridad ng pamilya, lalo na para sa mga low-income earners.”
Sa ngayon, ang panukala ay papunta na sa Senado para magkaroon ng counterpart measure. Kapag naaprubahan rin ng Senado, paghaharmonisin ang dalawang bersyon bago ito isumite sa Pangulo para sa pirmahan at maging batas. RNT/MND