Antique — Dalawang kompanya na pagmamay-ari ng pamilya Tan at iniuugnay sa isang solon ang nakakuha ng kabuuang limang road maintenance contracts sa lalawigan ng Antique, batay sa mga dokumentong nakapaloob sa isang listahang inilabas kamakailan.
Ayon sa 20-pahinang talaan na inilabas ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, ang Allencon Development Corp., na iniugnay kay Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jojo Ang Jr., ay nakakuha ng tatlong kontrata sa road maintenance na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱86 milyon.
Base sa isang 2019 Department of Public Works and Highways (DPWH) document, si Ang na siyang pamangkin ni Tan, ay dating nagsilbing presidente ng Allencon.
Kabilang naman sa mga proyektong ito ang dalawang preventive maintenance at asphalt overlay sa Bantayan–San Pedro–Cubay Road sa San Jose de Buenavista, at isang proyekto sa Bugo–Gen. Fullon Road sa bayan ng San Remigio.
Bukod dito, dalawang karagdagang kontrata para sa kaparehong uri ng proyekto sa Bantayan–San Pedro–Cubay Road ang iginawad sa International Builders Corporation (IBC), isang kompanyang sinasabing pag-aari ng mga kamag-anak ng mambabatas, ayon sa parehong talaan.
Nauna nang iniulat na nagrekomenda ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman na suriin ang posibleng pananagutan kaugnay sa nasabing mga kompanya, kaugnay ng mga proyekto sa imprastraktura. Wala pang inilalabas na pinal na resolusyon ang Ombudsman hinggil dito.
Batay sa datos na nakapaloob sa listahan, mula nang maupo si Ang bilang kongresista noong 2022, tumaas ang halaga ng government contracts na nakuha ng Allencon Development Corp., mula ₱125 milyon noong 2022 hanggang ₱1.29 bilyon noong 2025, para sa kabuuang 103 proyekto. Sa loob ng siyam na taon, tinatayang umabot sa ₱2.2 bilyon ang kabuuang halaga ng mga kontratang nakuha nito mula sa pamahalaan.
Samantala, ang IBC ay kabilang sa mga pangunahing contractor sa Western Visayas, na ayon sa mga available records ay nakakuha ng humigit-kumulang ₱41 bilyon hanggang ₱43 bilyon sa government infrastructure projects mula 2016.
Sa hiwalay na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, binanggit ng mga contractor na sina Sarah at Curlee Discaya ang pangalan ni Ang bilang bahagi ng isang umano’y network ng mga opisyal na sangkot sa infrastructure projects na tahasan namang itinanggi ni Ang sa isang official Facebook post.
Ang mga pahayag na ito ay bahagi ng testimonya at dokumentong isinumite sa Senado at nanatiling alegasyon na hindi pa napapatunayan sa hukuman. RNT






