MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na ipagpatuloy ang pagdo-donate ng dugo kahit ngayong bakasyon at panahon ng Kapaskuhan, dahil karaniwang bumababa ang bilang ng mga donor sa tinatawag na “lean months,” habang nananatiling tuloy-tuloy ang pangangailangan ng mga ospital.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Richard J. Gordon, wala namang kakulangan sa dugo sa ngayon, ngunit mahalaga ang tuloy-tuloy na donasyon upang mapanatili ang sapat na suplay sa panahon ng holidays.
Binigyang-diin ni Gordon na ang mga emergency, operasyon, panganganak, at gamutan tulad ng cancer ay hindi tumitigil kahit holiday, kaya mahalagang isaisip ng mga Pilipino ang pagdo-donate ng dugo bilang bahagi ng pagbibigayan.
Ayon sa PRC, bumababa ang blood donations sa pagtatapos ng taon dahil sa pagsasara ng mga paaralan, paghinto ng mga blood drive sa opisina, at pagtuon ng mga pamilya sa biyahe at mga aktibidad sa katapusan ng taon.
Dahil dito, mas umaasa ang PRC sa walk-in donors at community volunteers upang mapanatiling ligtas ang suplay ng dugo sa buong bansa.
Sinabi ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang na mula Disyembre hanggang huling bahagi ng Enero, karaniwang hindi nadaragdagan o bumababa ang koleksyon ng dugo, kahit patuloy ang mga operasyon at gamutan sa mga ospital.
Maraming pasyente ang may naka-iskedyul na operasyon, patuloy na gamutan tulad ng dialysis at cancer care, at may mga emergency gaya ng aksidente.
Hinimok ng PRC ang mga malulusog na indibidwal na edad 16 hanggang 65 na mag-donate ng dugo sa pinakamalapit na Red Cross blood donation center o sa mga mobile blood drive.
Pinapayuhan ang mga donor na magpahinga nang sapat, kumain bago mag-donate, at magdala ng valid ID.
Makikita ang impormasyon tungkol sa mga donation site at iskedyul sa opisyal na social media pages ng PRC o sa pinakamalapit na PRC chapter. RNT/MND