Home NATIONWIDE CADENA Act, lusot na sa Senado

CADENA Act, lusot na sa Senado

277
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act matapos ang botong 17-0, walang tumutol at walang nag-abstain.

Layunin ng Senate Bill No. 1506 na magtatag ng National Budget Blockchain System, isang sistema na magtatala at magbabantay sa lahat ng yugto ng pambansang badyet.

Inaprubahan ang panukala noong Lunes ng gabi, Disyembre 15, at kabilang ito sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Ayon kay Sen. Paolo “Bam” Aquino IV, inihain ang panukala dahil sa matinding panawagan ng publiko laban sa korapsyon at sa mga isyung lumitaw kaugnay ng mga anomalya sa flood control projects.

Sa ilalim ng panukalang batas, obligado ang lahat ng ahensya ng gobyerno na mag-upload at regular na mag-update ng mga dokumentong may kinalaman sa badyet, tulad ng mga kontrata, gastos ng proyekto, listahan ng materyales, at records ng procurement, sa isang Digital Budget Platform.

Layunin nito na masigurong ang mga dokumento ay bukas sa publiko, hindi madaling manipulahin, madaling masubaybayan, open-source, at mapapatunayan ang kawastuhan.

May parusa ring administratibo at kriminal para sa mga opisyal ng gobyerno na hindi magsusumite ng kinakailangang dokumento o maglalagay ng maling impormasyon.

Hinimok ni Aquino ang House of Representatives na pabilisin ang pag-apruba ng kanilang bersyon ng panukala. Ang katumbas na panukala sa Kamara ay House Bill No. 6761, na inihain ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel Benitez.

Binigyang-diin ni Aquino na mahalagang maipasa agad ang CADENA Act upang tuluyang labanan ang korapsyon at matiyak na ang buwis ng mamamayan ay napupunta sa tamang proyekto. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here