MAKARAANG palayasin sa Pinas at pagtaguin sa ibang bansa si Zaldy Co ng mga makapangyarihan upang hindi nito maituga ang mga pinakamalalaking korap sa Pilipinas kaugnay ng P1.2 trilyong anomalya sa flood control projects, ngayon naman, pinipilit siyang maibalik sa lahat ng paraan.
Noong una, ipinanawagan siyang bumalik nang kusa para harapin ang mga akusasyon sa kanya sa anomalya ngunit nauwi lahat sa pagpipilit na ibalik siya rito nang ihayag na nitong sina ex-Speaker Martin Romualdez at Pangulong Bongbong Marcos ang “pinaka” sa lahat ng mga korap.
Inakusahan niya ang Pangulo na utak mismo ng P100 bilyong insertion na may 25% o P25B kikbak at si Martin na kahati ni Marcos hindi lang sa P100B singit sa pambansang badyet sa 2025 kundi sa iba pa.
At nagdeliber siya ng mga male-maletang salapi na bilyon-bilyong halaga sa tatlong bahay na dalawa rito ang pag-aari ni Romualdez at isa ni Marcos sa Forbes Park at sa bahay sa harap ng Malakanyang.
Idinamay na rin ni Co si Presidential son Ilocos Norte Representative Sandro Marcos sa pagkakaroon nito ng sariling mga bilyon pisong kikbak.
Kinumpirma rin nito ang katotohanan ng pahayag ni Marine Sergeant Orly Guteza na male-maletang salapi ang idineliber niya sa nasabing mga bahay.
Noong una, minamaliit ang mga pahayag ni Co dahil hindi umano notariado ang mga ito at pawang mga guni-guni lamang.
Ngunit sa huli, lumalabas na sineseryoso na ang mga nasabing pahayag, gamit ang kasong nakasampa na sa Sandiganbayan na nag-isyu na ng warrant of arrest laban kay Co.
Hindi na lang International Police ang gamit sa paghahanap kay Co kundi maging ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas, mamamayan at United Nations Convention Against Corruption.
Tanong: Hindi kaya mas delikado si Co kina Bongbong, Martin, Sandro at iba dahil kapag nakauwi siya sa Pinas, maaaring paninindigan niya sa korte ang kanyang mga pahayag…kung hindi siya mapapatay?






