Home OPINION LCSP SA TNVS: WALANG ‘PRIORITY FEE’ SA BATAS

LCSP SA TNVS: WALANG ‘PRIORITY FEE’ SA BATAS

283
0

BILANG isang abogadong matagal nang sumusubaybay sa karapatan ng mga commuter, malinaw sa akin na ang paniningil ng tinatawag na “priority fee” ng ilang TNVS drivers ay hindi lamang abuso, kundi isang tahasang paglabag sa umiiral na batas at regulasyon.

Para sa Lawyers for Commuters Safety and Protection, may matibay na batayan sa ligal na prinsipyo na kung wala ito sa fare matrix na inaprubahan ng gobyerno, ito ay iligal.

Ang TNVS ay pinayagang mag-operate sa ilalim ng malinaw na kondisyon. May fare matrix na dumaan sa masusing pag-aaral upang tiyaking patas ang singil—hindi sobra sa pasahero at hindi lugi sa driver. Kapag may idinagdag na “priority fee,” binabali nito ang mismong kasunduang pinahintulutan ng estado.

Sa mata ng batas, ang ganitong gawain ay maituturing na unauthorized collection o panlilinlang, lalo na kung ipinalalabas na opisyal o normal na bahagi ito ng serbisyo.

Mas delikado ang sitwasyon kung ang mismong TNVS app ang sangkot o tahimik na pumapayag sa ganitong sistema. Sa ilalim ng consumer protection laws, may pananagutan ang mga platform sa mga transaksyong nagaganap sa loob ng kanilang sistema. Hindi sapat ang maghugas-kamay at sabihing “driver ang may sala.” Kung may kaalaman, pahintulot, o kapabayaan ang kompanya, maaari itong managot administratibo at sibil.

Para sa mga pasahero, mahalagang malaman na may laban sila. May karapatan silang tumanggi sa iligal na singil at magsampa ng reklamo. Ang simpleng pag-report ay hindi lamang para sa sariling hustisya, kundi para na rin sa kapakanan ng libo-libong commuter na araw-araw ay nagiging biktima ng ganitong gawain.

Ang pananahimik ay nagiging pahintulot sa patuloy na pang-aabuso.

Sa huli, ang usaping ito ay hindi lang tungkol sa dagdag na bayad. Ito ay tungkol sa rule of law. Kung hahayaan nating maging normal ang “priority fee” ngayon, bukas ay kung ano-ano pang imbentong singil ang ipapataw.

Ang batas ay malinaw, at ang mensahe ay dapat ding maging malinaw sapagkat ang serbisyo sa publiko, lalo na sa transportasyon, ay hindi maaaring patakbuhin sa pamamagitan ng panlalamang at pananakot.

Kung nais ng disiplina sa kalsada at sistema, dapat magsimula ito sa mahigpit na pagpapatupad ng batas kung saan walang pabor, walang palusot.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here