TOTOO naman kaya ang sarbey ng Social Weather Station na pinakakorap ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos sa nakalipas na ilang administrasyon?
Ginawa ang sarbey sa buong Mega Manila na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal at Laguna at tinanong ang nasa 600 tao nitong Oktubre 19-22, 2025.
Sakop ng sarbey ang taong 2000 hanggang 2025 at lumitaw na pinakakorap ang administrasyong Marcos sa grado nitong 84 porsyento habang pinakamaliit ang administrasyon ni dating Pang. Digong Duterte sa gradong 41-45%.
Sina ex-President Joseph Estrada, may gradong 63-77%; Gloria Macapagal Arroyo – 60-67%; at Benigno Aquino III, 43-56%.
Sinabi pa ng sarbey na 77% taga-Metro Manila ang nagsabing grabe talaga ang korapsyon ngayon kumpara sa tatlong taong nakalipas.
Sa lahat ng lugar, sa Metro Manila may pinakamalaking naniniwala na matindi ang korapsyon at aabot sa 80% at sinundan ng Cavite – 76%; Laguna at Rizal – 74%; at Bulacan – 71%.
Heto pa, nasa pinakamatataas na opisyal ng bansa ang may pinakamatinding korapsyon na aabot sa 83% at sumunod dito ang mga panlalawigan – 38%, panglunsod at pambayan – 35% at pam-barangay 25%.
Isa pa, 75% ang nagsabing ang mga nasa gobyerno ang humihingi ng kikbak habang 25% ang nagsabing mga mamamayan ang nanunuhol.
Kung talagang totoo ang sarbey, ano ngayon ang masasabi at gagawin ng gobyernong Marcos?
Paano haharapin din ang paniniwala ng nasa 60% na waepek ang mga pagkilos ng gobyerno laban sa mga korap?
MAKIKBAK AT MAPULITIKANG 2026 BADYET
Sinasabing magiging malinis sa kikbakan at pamumulitika ang panukalang pambansang badyet para sa 2026.
Pero marami pa rin ang nagdududa at nangunguna mismo rito ang mga senador.
Isa sa mga pinagtatalunan ang pagpipilit ng Department of Public Works and Highways na ibalik ng bicameral conference committee ang tinapyas nitong nasa P45B, lalo na sa parte ng Senado.
Hindi nga sumipot ang mga senador noong Lunes para sa pirmahan na lang sana sa bicam report dahil dito.
Hindi rin naging malinaw ang ukol sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) na unang nilagyan ng P24.23B National Expenditure Program mula sa Palasyo ngunit pinalaki ng bicam sa P51.6B.
Hindi malinaw dahil lumitaw na nasa anyo ito ng guarantee letter at hawak ng mga politiko ang pamimigay.
Para sa mga senador, mga Bro, dapat nakapaloob ito sa badyet ng Department of Health at huwag pakialaman ng mga politiko kundi ng DOH lamang.
At hayaan ang programa na maging bahagi ng Zero Billing sa lahat ng ospital, pampubliko man o pribado, kasama ang mga ospital ng Local Government Units.
Kinuwestiyon din ng Senado, partikular ni Senadpor Ping Lacson ang P33B farm-to-market road.
Hindi umano malinaw kung nanggaling ang panukala mula sa Department of Agriculture o sa mga kongresman.
Anak ng tokwa, lumilitaw na sa kabila ng mga pag-angal ng lahat sa korapsyon, meron at meron talagang mga halang ang bituka at maitim na budhi na mga mambabatas.
Dahil dito, hindi masisi ang mga mamamayan sa pagsasabing pinakakorap talaga ang kasalukuyang administrasyon kumpara sa iba.






