MANILA, Philippines – Pinakakalma ng National Security Council (NSC) ang pangamba sa seguridad matapos kumpirmahin na nanatili sa Pilipinas nang halos isang buwan ang ama at anak na gunmen na nasa likod ng mass shooting sa Bondi Beach, Sydney, bago lumipad patungong Australia.
Ayon kay Palace press officer Claire Castro, “walang kumpirmadong impormasyon na nagsasabing nagdulot sila ng banta sa seguridad, at hindi ito itinuturing na seryoso o agarang panganib.”
Nanatiling aktibo ang mga standard na seguridad, imigrasyon, at counterterrorism protocols, at may koordinasyon sa Australian authorities.
Ayon sa Bureau of Immigration, pumasok sa Pilipinas sina Sajid Akram, 50, at anak niyang si Naveed, 24, noong Nobyembre 1 at iniulat ang Davao bilang huling destinasyon bago umalis noong Nobyembre 28 patungong Sydney.
Inihayag ng Australian Prime Minister Anthony Albanese na malamang na na-radikalisa ang dalawa ng “Islamic State ideology.”
Sa nasabing pananambang, 15 katao ang napatay at marami ang nasugatan, kabilang ang isang 10-taong gulang na bata at isang Holocaust survivor. Santi Celario