MAHINA ang justice system sa ating bansa. Kapag mahirap ang nagnakaw ng pagkain sa supermarket kulong agad pero kapag politiko ang nagnakaw ng milyon sa mga proyekto ng gobyerno kahit makulong man ay makakalaya rin pag iba na at kaalyado na ang bagong Pangulo.
Matindi nito ay muling makatatakbo at ang pinakamasaklap pa ay ibinoboto at ipinapanalo pa rin ng maraming bobotante sa kabila ng nagkasala na nito sa batas. Paulit-ulit na lang ang mga pangyayari walang kadalaan sa magkabilang panig gobyerno, pulitika at mamamayan.
Para tayong “banana republic” kung hindi magkakaroon ng tunay na reporma at maisasabatas ang tulad ng mga mahahalagang panukala kontra korapsyon at abuso sa kapangyarihan.
Seryoso si Pangulong Bongbong Marcos sa paglaban sa korapsyon kaya naman ang nalalabi pa niyang mahigit dalawang taon sa kanyang termino ay patungo na sa landas nang pagsasaayos ng pamamahala ng gobyerno para sa kabutihan ng bayan kaya naman inatasan na niya ang mga mambabatas na gawing mabilis at iprayoridad ang mga mahahalagang panukalang batas gaya ng Anti-Dynasty, Independent Peoples Commission, Partylist Reform at Cadena or Blockchain the Budget.
Ang Anti-Dynasty Bill ay isinusulong sa Senado ni Senator Kiko Pangilinan, at nina Akbayan Representatives Chel Diokno, Perci Cendaña, Dadah Ismulah at Dinagat RepKaka Bag-ao na dati ring kinatawan ng Akbayan. Layunin ng batas na maipatupad ang constitutional ban sa political dynasty na pinaniniwalaang sanhi rin ng korapsyon sa maraming lugar sa bansa.
Samantala, ang Independent Peoples Commission Bill naman ay isinusulong sa Senado nina Senators Risa Hontiveros, Tito Sotto at Erwin Tulfo habang sa Kongreso naman ay si Mamamayang Liberal Rep. Leila De Lima. Layunin nito na bumuo ng isang independent body na mag iimbestiga sa korapsyon at mga umaabuso sa kapangyarihan.
Ang Partylist Reform Bill ay isinusulong ni Senator Bam Aquino upang mas patatagin ito at salain ito na gamitin ng mga mayayaman at malalaking pamilyang politiko bilang ekstensyon ng kanilang kapangyarihan.
Habang ang Citizens Access & Disclosure of Expenditures for National Accountability or Block Chain the Budget Bill na isinusulong din ni Senator Bam Aquino ay may layuning palakasin ang ‘transparency in government spending by requiring public disclosure of expenditures’.
Kung maisasabatas ang apat na mahahalagang panukalang ito ay mag-iiwan ito ng magandang legasiya ng administrasyong Marcos sa ngalan ng paglaban sa korapsyon at pagtataguyod ng good governance.






