IT takes one to know one. At sa gitna nang patuloy na paglala ng kalagayan ng pamamahala sa Pilipinas, marahil ang pinaka-ironic — at dahil dito ay politically viable — na unang hakbang ay ang makita ang dalawang higante ng political dynasties na magbalangkas ng isang panukalang batas na nag-aangking wakasan ang monopolyong pampamilya sa mga elective post sa kani-kanilang mga balwarte.
Ang pangunahing kinatawan ni dating House Speaker Martin Romualdez na si Speaker Bojie Dy, kasama si Majority Leader Sandro Marcos, ang naghain ng tinatawag ngayong anti-dynasty bill ng House leadership — na, hindi pa nga maikakaila, ay itinulak ng isang presidential “instruction.”
Sa unang pagbasa, malinaw na tinutukoy ng panukala ang political dynasties, at ginagawa pa ito nang malawak, hanggang ikaapat na antas ng consanguinity at affinity. Ito ay isang positibong indikasyon, lalo na kung isasaalang-alang na sa loob ng ilang dekada ay umiwas ang Kongreso sa pagtupad sa konstitusyonal na obligasyong ito.
Subalit kapag binasa nang lampas sa headline, mabilis na nababawasan ang lalim ng ipinangakong reporma.
Ang ipinapataw na pagbabawal ay mahigpit na territorial at vertical. Ipinagbabawal lamang ang sabayang paghawak ng mga posisyon sa loob ng iisang antas ng pamahalaan o iisang lokalidad. Ang cross-level dynasties ay pinahihintulutan. Ang pamumunong pampamilya na tumatawid sa iba’t ibang hurisdiksyon ay pinahihintulutan. Ang pagdami ng legislative districts sa ilalim ng iisang apelyido ay nananatiling ligal.
Sa praktikal na aplikasyon, nangangahulugan ito na maaaring may isang Duterte, Revilla, o Ynares sa national level, isa pa sa probinsya, at ilan pa sa Kongreso, mga lungsod, at mga bayan — nang hindi nilalabag ang probisyon ng panukala. Ang mga apelyido ay halimbawa lamang, at malinaw ang mas malawak na puntong tinutukoy.
Sa katunayan, hindi naman tahasang ipinagbabawal ng Konstitusyon ang dynastic leadership, bagkus ito ay tahimik na dinidiscourage at tinutuligsa — isang pagtinging halos kapareho ng ipinapakita nito sa fine print ng Dy-Marcos anti-dynasty measure.
Kung susuriing mabuti, hindi rin pinipigilan ng panukala ang dynasty rotation — ang pinakaluma at pinakaabusadong istratehiya sa pulitika. Kapag narating ang term limit, ang posisyon ay ipinapasa sa asawa, anak, kapatid, o pinsan. Sa ganitong paraan namuno ang mga pamilya sa Rizal sa loob ng 33 taon at sa Batangas City sa loob ng 37 taon. May iba pang anti-dynasty bills na tahasang nagbabawal ng immediate succession; ang panukalang ito ay tahimik na umiiwas sa isyung iyon.
Nanatili ring tahimik ang panukala ukol sa party-list hijacking — ang tinatawag na backdoor na ginagamit ng mga political dynasty upang patibayin ang kanilang kapangyarihan sa Kongreso. Apatnapung party-list groups sa 2025 elections ang may malinaw na ugnayan sa mga political families. Ang butas na ito ang eksaktong mekanismo kung paano lumalawak ang dynasties nang hindi teknikal na “lumalabag” sa district limits.
Upang maging patas, may isang malinaw na hakbang ang panukala: ipinagbabawal nito ang sabayang pagtakbo ng mga kamag-anak sa loob ng iisang kapitolyo, at sa gayon ay nililimitahan ang joint candidacies na nagiging dahilan upang magmukhang pribadong ari-arian ang ilang probinsya.
Gayunpaman, mananatili itong isang banayad at maingat na kinalibreng reporma — dinisenyo upang hindi masaktan ang isang Kongresong kilalang tutol sa tunay na self-denial.
Mayroon itong halaga, oo. Ngunit maging malinaw tayo: pinuputulan lamang nito ang mga sanga, hindi ang mga ugat. At kahit ang bersyong ito ay haharap sa mabigat na laban sa isang Senado na siksik sa magkakapatid at magkakamag-anak.
Gaya ng binanggit sa simula, maaari pa rin itong magsilbing panimula ng isang mas mabuting direksyon. At kung hindi pa ito sapat para sa ilan — nararapat lamang na magbahagi ng isa pang balitang maaaring ituring na positibo sa panahong ito ng kapaskuhan.
Ayon kay Senator Robin Padilla, hindi na siya tatakbo sa 2028.
Oo. Parang pelikulang wala nang karugtong.
Maililigtas ang bansa mula sa panibagong anim na taon ng legislative performance art, Facebook-poetry governance, at paulit-ulit na kalituhan kung ang Senado ba ay isang deliberative chamber o isang barangay group chat. Wala na ang national policymaking na idinadaan sa malalabong posts, macho one-liners, at ideological sparring na nagaganap halos eksklusibo sa online space.
Sa pagkakataong ito, ang exit line ay dumating nang mas maaga — at kusang-loob. Isang maagang pamaskong maituturing.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






