MANILA, Philippines – Nagpa-abot ng pakikiramay ang Malakanyang sa pagpanaw ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral.
“Nakikiramay po tayo sa pamilya na naiwan po ni former Usec. Catalina Cabral at nakakalungkot po ang nangyari pero muli nakikiramay po tayo,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sinasabing, kabilang si Cabral sa listahan ng mga opisyal ng DPWH na pinakakasuhan bago matapos ang taon dahil sa pagkakasangkot umano nito sa maanomalyang flood control projects.
Sa kabilang dako, nilinaw ni Castro na hanggang ngayon ay wala pa ring kaso si Cabral kaya’t walang direktiba ang Pangulo ukol sa imbestigasyon na nagdadawit dito sa flood control mess.
Nasa kamay na aniya ng mag-iimbestiga kung nais na ng mga itong kasuhan si Cabral. Sa ngayon aniya ay walang kinahaharap na kaso si Usec. Cabral.
Muling iginiit ni Castro na iginagalang ng gobyerno pansamantala ang pribadong buhay at pamilya ni Usec. Cabral.
“Sa ngayon, wala pang ipinag-uutos ang Pangulo. At muli ay walang kaso at kung meron man ay paiimbestigahan ito, nasa kamay na po ito ng investigating body,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Sa ulat, namatay ang dating DPWH Undersecretary na si Maria Catalina Cabral matapos siyang matagpuang “unconscious and unresponsive” sa may Bued River sa Kennon Road nitong Huwebes ng gabi, December 18.
Ayon sa Cordillera police na iniulat ng INQUIRER, idineklara siyang patay dakong 12:02 a.m. ng Biyernes, December 19, matapos maiangat ang kanyang katawan mula sa ilog ng mga first responder bandang hatinggabi.
Sa salaysay ni Ricardio Munos Hernandez, driver ni Cabral, binabagtas umano nila ang Kennon Road mula Baguio patungong La Union nang magpasya ang dating opisyal na bumaba ng sasakyan at humiling na iwan muna siyang mag-isa sa Purok Maramal, Sitio Camp 5, Barangay Camp 4 dakong 3:00 p.m
Ang naturang bahagi ng zigzag road ay sakop ng Tuba, Benguet at itinuturing na matao ang lugar.
Bandang 5:00 p.m., bumalik umano ang driver upang sunduin si Cabral ngunit hindi na niya ito nakita.
Agad siyang nagtungo sa isang hotel sa Baguio kung saan naka-check in si Cabral, bago muling bumalik sa Kennon Road Viewdeck kung saan matatagpuan ang Station 8 ng Baguio City Police Office.
Dito na nagsagawa ng sariling search operation ang pulisya at kalaunan ay natagpuan si Cabral humigit-kumulang 30 metro mula sa pampang ng ilog.
Hindi pa malinaw kung bakit bandang hatinggabi lamang o halos apat na oras matapos siyang mamataan ng pulisya at naiangat ng mga bumbero ng Tuba ang katawan ni Cabral papunta sa kalsada.
Matatandaang ang Maramal ay malapit sa isang nasirang rockshed at rock netting project site na personal na ininspeksyon ni Pangulong Bongbong Marcos. kasama sina Baguio Mayor Benjamin Magalong at Tuba Mayor Clarita Sal-ongan noong Agosto. (KRIS JOSE)