BULACAN, Philippines – Arestado ang anim na kasapi umano ng Robbery hold-up group na nang holdap sa isang gasolinahan sa ikinasang follow-up operation ng pulisya sa bayan ng Calumpit nitong madaling araw ng Disyembre 18.
Sa report ni PLTCOL Leopoldo Estorque, hepe ng Calumpit police station,kinilala ang mga suspek sa mga alyas na Ashlie, Glen, Vin, Ben, Alex at Xander.
Ayon sa report ng pulisya, naganap ang robbery hold-up bandang 1:30 ng madaling araw sa isang gasolinahan sa Brgy. Pungo.
Lumalabas sa imbestigasyon, unang dumating ang riding-in tandem na nagpakarga ng gasolina nang biglang bumunot ng baril, tinutukan ang crew ng gasolinahan at nagdeklara ng hold-up.
Biglang sumulpot din sa lugar ang dalawa pang kasabwat na katulong na nanlimas ng pera na nasa P7.000 cash at mga cellphone sa loob ng cashier booth at mabilis na tumakas sa lugar lulan ng motorsiklo.
Nang makarating sa istasyon ang nangyari ay agad nagsagawa ng case conference at follow-operation katuwang ang Provincial Intelligence Unit sa pamumuno ni PLTCOL Russel Dennis Reburiano.
Sa tulong din ng iCloud account ng biktima at backtracking ng mga CCTV footages ay natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek sa Purok 3, Brgy. Sucol ng nasabing bayan kaya bandang 3;35 ng madaling araw ay naaresto ang apat at dalawa pang kasamahang suspek.
Sinasabing ang anim ay kabilang sa Marvin Acosta Robbery Hold-Up Group na sangkot sa serye ng holdapan sa lalawigang ito.
Nakumpiska sa kanila ang Yamaha Sniper motorcycle, Bajaj na may sidecar, kalibre .45 na may magazine, limang bala, 8 sachets ng hinihinalang shabu, ice pick, toy gun, dalawang cellphone, cash money at iba pang mga gamit.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng istasyon ang mga suspek para sa wastong dokumentasyon. (Dick Mirasol III)