MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang isang high-value drug suspect kasabay ng pagkakakumpiska ng mahigit P1.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa operasyon sa Barangay Calipahan, Talavera, Nueva Ecija nitong Sabado ng umaga, Disyembre 20.
Sa kalatas, sinabi ni Police Regional Office 3 (Central Luzon) nagsagawa ng operasyon ang Special Drug Enforcement Team ng Talavera Municipal Police, sa suporta ng Police Intelligence Unit at Nueva Ecija Provincial Police Drug Enforcement Unit, bandang 9:50 ng umaga kasunod ng intelligence validation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sinabi ng pulisya na ang suspek ay naaresto matapos na pagbentahan ng hinihinalang shabu ang isang undercover police.
Narekober sa suspek ang 270 gramo ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,836,000, maging ang marked money na ginamit sa transaksyon.
Dinala ang suspek at nakumpiskang mga item sa Talavera Municipal Police para sa dokumentasyon, inventory at pagsasampa ng kaukulang kaso sa suspek. RNT/JGC