Home OPINION NAKAHA-HIGHBLOOD NA MANDURUGAS NA NLEX

NAKAHA-HIGHBLOOD NA MANDURUGAS NA NLEX

238
0

MARAMI ang natuwang motorista sa anunsyo ng North Luzon Expressway na libre ang toll ngayong Pasko at Bagong Taon. Mula alas-10 ng gabi ng Disyembre 24 hanggang alas-6 ng umaga ng Disyembre 25, at mula alas-10 ng gabi ng Disyembre 31 hanggang alas-6 ng umaga ng Enero 1, walang bayad ang NLEX, pati na ang SLEX, SCTEX at NLEX Connector.

Dagdag pa rito ang pagbubukas ng counterflow lanes mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi upang umano’y maibsan ang holiday traffic. Sa papel, maganda. Sa aktwal, nakaha-highblood.

Noong Sabado, naranasan ng inyong lingkod ang matinding trapiko sa NLEX patungong South. Mula Palmayo, Floridablanca, Pampanga, halos limang oras ang inabot ng biyahe na dati’y dalawang oras lamang. Ayon pa sa GPS, dalawang oras at 15 minuto lang sana ang balik-Maynila. Ngunit ang reyalidad sa kalsada, kabaligtaran—usad-pagong, nakapipikon, at tila walang malinaw na traffic management.

Kasama ko ang ilang opisyal at miyembro ng Pasay City Host Lions Clubs sa pangunguna ni President Engr. Lourdes Icban para sa Pamaskong Handog sa Mawacat, Floridablanca, kung saan 400 Aeta ang napasaya ng mga laruan, diaper, damit, kumot, pagkain at iba pang tulong. May raffle pa ng 32” SMART TV, rice cookers at grocery baskets. Nakakatuwang gawain—ngunit ang biyahe pauwi ang sumira sa lahat. Kasama ng PCHLC ang mga “Ginang ng Tahanan” na ang founder ay mismong si Engr Icban.

Bukod sa sobrang bagal ng galaw ng sasakyan, mas nakakabuwisit ang tila kawalan ng agarang responde sa mga banggaan. Inaabot ng siyam-siyam ang clearing kaya lalong bumibigat ang trapiko. Pagdating sa tollgate matapos ang mahabang pila, doon ka pa mas maiinis: halos ubos na ang RFID load.

Nagkarga ako ng P1,000 kahit may mahigit P100 pa bago umalis ng Maynila. Pagdaan sa San Fernando, may mahigit P800 pa. Pero pabalik ng Maynila—P13 na lang? Ganoon ba talaga kalaki ang singil mula Pampanga? Para akong hinoldap nang walang kalaban-laban.

Dahil dadaan ulit sa NLEX, nagkarga pa ako ng P500. Ganoon na naman ang eksena—traffic. Sa Balintawak toll gate, kakakarga lang, P216 na lang ang natira kahit P79 lang ang toll mula Balintawak hanggang Mindanao Avenue Smart Connect. Panibagong high blood. Panibagong pakiramdam na ginisa sa sariling mantika.

Kung may libreng toll, dapat may libreng sakit ng ulo? Hindi ganito ang serbisyong binabayaran ng motorista. Ayusin ninyo ang sistema ng singilan at ang traffic response. Hindi pwedeng palaging sorpresa ang kaltas. Ang NLEX ay daan, hindi bangketa at lalong hindi itinatag upang mangholdap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here