MANILA, Philippines – Nanawagan si Police Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., acting chief ng Philippine National Police (PNP), sa mga local government units (LGUs) na magtalaga ng firecracker zones sa kani-kanilang lugar.
Kasabay nito, inatasan niya ang lahat ng police territorial units na pigilan ang paglaganap ng ilegal na paputok at pyrotechnic materials.
Ibinigay ni Nartatez ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Bocaue, Bulacan—na kilala bilang fireworks capital ng bansa—noong Disyembre 22, sa gitna ng pagdami ng gumagamit ng paputok simula pa lang ng Christmas season at inaasahang lalo pang tataas bago ang Bagong Taon.
“We are strictly enforcing the safety standards set by the Firearms and Explosives Office (FEO) where all firecracker stalls are required to have valid permits, proper storage facilities, and clearly labeled products,” ani Nartatez.
“The sale of illegal, oversized, overweight, imported, and unlabeled firecrackers remains prohibited under the law,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni Nartatez, ang firecracker zones ay magbibigay ng kontrolado at ligtas na lugar para sa paggamit ng legal na paputok.
Makikipagtulungan umano ang pulisya sa security units ng LGUs hanggang barangay level upang matiyak ang kaligtasan ng lahat at masiguro na walang ilegal na paputok ang gagamitin.
Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic devices ang Watusi, Poppup, Pla-pla, Piccolo, Five Star, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Large-size Judas Belt, Super Lolo, Goodbye Bading, Lolo Thunder, Atomic Triangle, at Mother Rockets.
Ipinagbabawal din ang Goodbye Philippines, Goodbye Delima, Goodbye Napoles, Coke-In-Can, Bin Laden, Pillbox, Kabasi, Super Yolanda, Boga, Kwiton, Hello Columbia, Tuna, GPH Nuclear Special, Goodbye Chismosa, King Kong, at Dart Bomb.
“The safe celebrations of Christmas and New Year is a shared responsibility. On the part of the Philippine National Police, we will exhaust all measures to prevent the proliferation of illegal firecrackers and ensure police visibility. Let us work together to have safe and meaningful Christmas and New Year celebrations,” ani Nartatez.
Inatasan din niya ang lahat ng local police units na paigtingin ang intelligence gathering, magsagawa ng regular at biglaang inspeksyon sa mga tindahan, bodega, at imbakan, at palakasin ang police visibility sa mga komunidad, pampublikong pamilihan, at maging sa online platforms kung saan madalas ibenta ang ilegal na paputok.
Binalaan din ni Nartatez na mananagot ang mga police commander na mabibigong ipatupad ang mga alituntunin.
Kasabay nito, muling nanawagan ang PNP sa publiko, lalo na sa kabataan, na iwasan ang paggamit ng ilegal na paputok at pumili ng mas ligtas na paraan sa pagsalubong ng Bagong Taon. RNT/MND