MANILA, Philippines – Naglunsad ng imbestigasyon ang Land Transportation Office (LTO) sa isang viral road rage incident sa Bulacan sa pamamagitan ng pag-isyu ng show-cause order laban sa driver at rehistradong may-ari ng umano’y government vehicle.
Ayon sa pahayag ng LTO nitong Martes, makikita sa viral video ang driver na nagpakita ng marahas na kilos sa pamamagitan ng pagtapon ng bisikleta sa pampublikong kalsada sa Barangay Paliwas, Obando, Bulacan.
“Ang naturang insidente ay nagdulot ng panganib sa kaligtasan ng iba pang mga motorista at publiko na maituturing na paglabag sa umiiral na mga batas at regulasyon sa trapiko,” ayon sa LTO.
Inutusan ang driver at may-ari ng sasakyan na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Enero 5. Kailangan nilang magsumite ng verified o sworn comment kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng reckless driving at allowing an improper person to operate a motor vehicle.
Samantala, ang sasakyan sa viral video, na tila ambulansya, ay pansamantalang placed under alarm, at ang driver’s license ay sasailalim sa 90-day preventive suspension. RNT/MND